Advertisers
NASAWI ang isang pulis nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa kalabaw sa kahabaan ng highway ng Purok-1, Barangay Del Rosario, Pilar, Sorsogon.
Tinangka pang isugod ng mga kabaro sa Castilla District Hospital pero hindi na umabot ng buhay si Staff Sgt. David Riva Dela Rosa, 37 anyos, ng Purok Azucena, Barangay Burabod, Castilla, Sorsogon, at warrant at intelligence officer ng Castilla Municipal Police Station.
Sa ulat sa Camp Gen. Simeon Ola, 4:40 ng hapon lulan ng kanyang motorsiklo si Dela Rosa at binabagtas ang kahabaan ng highway pabalik ng kanilang istasyon nang maganap ang aksidente.
Sa lakas ng pagkakabangga, sumemplang ang motorsiklo at tumilapon ang pulis.
Nasugatan naman ang kalabaw pero nasa mabuti nang kalagayan.