Advertisers
WALANG kamalay-malay si Region 3 businessman at gambling icon, Bong Pineda na ang pangalan niya ay ginagamit sa pangduduro nina Major Billy Joe at Cavite Governor’s Squad upang matibay na mahawakan ng mga ito ang pagpapatakbo ng Perya ng Bayan (PnB)-con jueteng operation sa may pitong siyudad at 16 na bayan sa lalawigan ng Cavite.
Sa halip na ang tunay na gambling operator na si alyas John Yap, ang palutangin ang pangalan ay si Bong Pineda ang pinalilitaw nina Major Billy Joe at ng Cavite Governor’s Squad na nagpapatakbo ng PnB sa Cavite.
Ngunit ang totoo, si alyas John Yap pa rin ang maintainer ng PnB -con jueteng sa lahat na siyudad at bayan sa Cavite kasama na ang iligal ding operasyon ng naka-umbrella sa kanilang Lucky Bingo o Bingo online, loteng, EZ2 at Pick 3 na ino-operate ng Davao based gambling Lord na si Don.
Gimik lamang nina Major Billy Joe at ng Cavite Governor’s Squad na kinabibilangan nina Elwin, bogus na National Bureau of Investigation (NBI) agent, alyas Mayor Minong, Hero, Anacan, Erik at alyas MSgt. Sevilla alyas Santiago at Tagoy ang paggamit sa pangalan ni Bong Pineda bilang PnB maintainer para malinlang ang kapulisan at maging ang National Bureau of Investigation (NBI) nang sa gayon ay maibulsa nila ang milyones na intelhencia o pangsuhol na ipinagkakatiwala sa kanila ni alyas John Yap sa pamumudmod sa kanilang protektor na mga pulis, NBI, local government official at maging ilang media personalites.
***
TILA wala nang katapusan ang kamalasan na inaabot ng Philippine National Police (PNP) dahil di pa man nakakaahon sa kinasadlakang kahihiyan dulot ng cover-up issue sa Php 6.7 M worth shabu haul ay nahaharap na naman ang police organization sa panibagong kontrobersiya.
Dahil dito ay hindi nakapagtatakang isang araw ay makatanggap na naman ng summon o patawag ang pamunuan ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. mula sa mga senador at kongresista para tanungin sa nangyayaring multi-billion vice payola racket na kinasasangkutan ng ilang R4-A police official.
Ang multi-billion tong payola ay matagal nang nangyayari sa Region 4-A. Ito’y isang sindikato na binubuo ng ilang matatataas na opisyal ng Regional Police Office 4-A at mga illegal gambling financier, operator at ng iba pang kailigalan tulad ng paihi, petroleum at oil smuggling gamit ang port of Batangas, illegal logging, mining at quarrying, illegal passenger van terminal at iba pang labag sa batas na gawain.
Pero ang nasabing multi-billion payola racket ay nabuking lamang sa pag-upo ni BGen. Carlito Gaces ilang araw bago ang retirement noong Abril ni dating PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., matapos pumiyok ang ilang kasama sa sindikato na naitsa-puwera nang matalagang R4-A director si BGen. Gaces.
Sa tuwing may bagong R4-A commander ay kalakaran na ang tinatawag nilang “bidding” ng intelhencia o pera na makokolekta sa mga operator ng jueteng, sakla, pergalan (perya at sugalan) at iba pang protection money na lingguhang kailangang matanggap ng dumating na bagong Regional Police Director.
Sa naturang bidding ay nanalo ang isang Billy Joe na isang police major. Ginamit ang Billy Joe na alyas ni major para maitago ang kanyang pagkikilanlan o identity na hayag naman sapagkat naging police chief ito sa Cavite. Sinumang Juan ito, o saan man siya makita ay kilala itong korap na police official na natutuhan ang vice payola collection business dahil sa exposure nito sa mga ilegalista at mga tong kolektor sa rehiyon.
Bidding winner si Major Billy Joe matapos ilagak ang Php 6.4 million kada lingo na kailangang ibigay sa R4-A top brass sa Camp Vicente Lim, Laguna. Dahil nanalo sa bidding si Major Billy Joe ang nabigyan ng blessing na mangasiwa ng mga pasugal at iba pang iligal business sa CALABARZON na kanya namang kokolektahan ng weekly datung kung saan manggagaling ang Php 6.4 M na ibibigay kay PNP top brass.
Para kumita at hindi malugi sa bid na Php 6.4 M, kailangang maraming pagkunan si Major Billy Joe, kaya bukod sa nagkalat na jueteng, loteng, sakla, at paihi ay nagpapasok pa ng ibang gambling financier sa sakop ng R4-A, kaya nagmistulang kabute ang iligal sa rehiyon.
Ayon sa CALABARZON -based crime and vice crusader, mistulang inutil si R4-A Director BGen. Carlito Gaces dahil ang kumpas ng mga kamay ni Major Billy Joe ang nasusunod kaya hindi makapag-operate ng anti-gambling drive ang kapulisan sa rehiyon dahil sa takot na ang mga ito ay mapagalitan o maitalaga sa malayo o mahirap na assignment tulad ng Mindanao.
Ang nakapagtataka lang, bakit di napapansin, hindi gumagalaw si PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., sa kalat na kalat na panibagong katiwalian na namang ito sa PNP? Bilang hepe ng 228,000 member police force, siya’y may pananagutan sa batas at mata ng sambayanan dahil hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho.
Galit na galit na ang taumbayan dahil sa mga nangyayaring katarantaduhan sa police organization gaya ng bagong tuklas na multi-billion vice payola racket ni Major Billy Joe at ilang matataas na opisyales ng PRO4-A, pero dinededma lang, walang aksyon at tila natutulog sa pansitan si PDG Acorda Jr.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com / Cp. No. 09664066144.