Advertisers
DINISARMAHAN at sinibak sa puwesto ang pitong pulis sa Angeles City sa pagkakasangkot sa iligal na pag-aresto at pangingikil.
Ayon sa Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), inaresto ang komandante, 2 imbestigador, at 4 intelligence operatives ng Angeles City Police Station 2 nitong Biyernes mismo sa kanilang himpilan.
Ito’y matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station at hinihingan ng pera ng mga pulis dito.
Sa random inspection ng IMEG at iba pang yunit ng PNP, napag-alamang may 14 indibiduwal sa Angeles City Police Station 2 na nakakulong parin sa ngayon kahit walang kasong isinampa laban sa kanila.
“Bakit mo aarestuhin ang isang tao tapos hindi mo [sasampahan] ng kaso? Naka-detain lang doon eh anong inaantay nila? Areglo! At walang mai-explain kung bakit walang mai-file na kaso,” ani Brigadier General Warren De Leon, ang direktor ng PNP-IMEG.
Dahil dito, nakatakdang magsagawa ng mga inspeksyon ang PNP sa lahat ng custodial facilities nito sa buong Pilipinas upang maiwasang maulit ang nangyari sa Angeles City.
Dinala na sa national headquarters ng PNP ang 7 naarestong pulis, na mahaharap sa reklamong ‘arbitrary detention’ at ‘unlawful arrest’.
Sa report na nakarating sa tanggap ni Region 3 Director, BGen. Jose Hidalgo Jr., tinanggal na sa pwesto ang pitong pulis na hindi pinangalanan at dinala sa Camp Crame para sa imbestigasyon.(Thony D. Arcenal/Mark Obleada)