Advertisers
PINILI ng isang mister na wakasan na ang kanyang buhay dahil sa pagkalulong sa sugal at napabayaan ang kanyang pamilya sa Brgy Mahabang Kahoy Indang, Cavite .
Kinilala ang biktima na si Jonjon Sarmiento, 38 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Mahabang Kahoy Cerca, Indang, Cavite.
Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Oliver A Riazon Jr may hawak ng kaso, 5:15 ng hapon ng madiskubre ng tiyuhin nito ang biktimang nakabigti at wala ng buhay sa kanilang kubo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, ginamit ng biktima ang panali ng manok sa pagbibigti sa loob ng kanilang kubo na nasa likurang bahagi ng kanilang bahay.
Nakarekober ang pulisya ng suicide note sa bulsa ng biktima kung saan nakasaad dito ang matinding pagsisisi sa pagkalulong nito sa sugal na naging dahilan upang mapabayaan umano nito ang kaniyang pamilya.
Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na isailalim sa autopsy ang katawan nito.(IRINE GASCON)