Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
ISANG malaking karangalan para kay Direk Benedict Mique na makatrabaho ang dalawang iginagalang at award-winning actors sa Philippine cinema na sina Gina Alajar at Ricky Davao.
“Noon, pinapanood ko lang ang mga pelikula nila. Tapos ngayon idinidirek ko na sila. Actually, nasa bucket list ko na makatrabaho sila, “ani Direk Benedict.
Ayon sa acclaimed director ( ML, Darna, Girlfriend Na, Pwede Na), sobra raw siyang bumilib sa professionalism ng dalawa.
Katunayan, malaki raw ang respeto niya sa dalawang seasoned actors na mas nadagdagan pa nang makatrabaho niya ang mga ito.
“Sila iyong dapat na ini-emulate ng ating mga young stars. Kaya nagtatagal sila sa industriya dahil mahal nila ang trabaho nila, professional sila at magaling silang makisama,” ani Direk.
Hindi rin daw nakikialam sina Ricky at Gina sa pagdidirek niya kahit kapareho niya ang mga itong director.
“Pag artista sila, nakapokus lang sila sa pag-arte. Nagsu-suggest sila para mapaganda ang mga eksena pero never silang nakikialam, kasi kapag actor sila, actor lang talaga sila,” bulalas niya. “Pero ako naman, open ako pagdating sa suggestions,” pahabol niya.
Masaya naman si Direk Benedict dahil sa pagtitiwala ng NET25 Films na maisapelikula ang passion project niyang “Monday First Screening”.
“Actually, matagal ko na siyang iskrip. Matagal ko na siyang ipinitch sa ibang producers. Luckily, ang NET25 ang nagtiwala sa akin, “ani Direk. “Matagal ko na ring concept na gumawa ng romcom na tungkol sa senior citizens at thankful ako na nabigyan siya ng green light sa NET25,” dugtong niya.
Hirit pa niya, kinilig din daw siya sa tambalan ng kanyang stars.
“Actually after this, baka magkaroon ng GinRick loveteam. Ibang level din kasi ang ipinakita nina Direk Gina at Direk Ricky na marami ang makaka-relate,” deklara niya.
Ang pelikula, na tinaguriang “senior citizen rom-com,” ay nakasentro sa kwento ng dalawang senior citizens na may namuong pagmamahalan mula sa panonood ng mga libreng pelikula sa unang screening tuwing Lunes gaya ng ginagawa ng marami sa ilang mall sa Metro Manila.
Mas makikilala ng mga manonood si Lydia, ang karakter ni Gina, na isang retiradong high school principal na sumasama sa grupo ng mga senior citizen gaya niya para manood ng sine sa mall. Dito magkakakilala ang mga karakter nina Gina at Ricky.
Kasama rin sa pelikula sina Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Che Ramos, Ian Ignacio, at David Shouder, kasama ang umuusbong na loveteam na dapat abangan – Allen Abrenica at Reign Parani.
Ang “Monday First Screening” ang first movie project ng NET25 Films.
Habang patuloy na lumalawak at nagtatagumpay ang NET25 sa larangan ng telebisyon, tinatawid na rin ng network ang pagbuo ng mga pelikulang tiyak na kagigiliwan ng mga Pilipino.