Advertisers
NASIRA ang ilang tirahan, establisyimento at maging ang isang simbahan nang daanan ng buhawi sa ilang lugar sa Pampanga, Huwebes ng hapon (Hunyo 22).
Sa initial report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Hunyo 23, naganap ang buhawi 5:30 ng hapon sa Barangay Cabalantian partikular sa Sitio Banlic, at Cabalantian Church sa Bacolor, Pampanga kasabay ng malakas na ulan at thunderstorm.
Sa ulat naman ng Police Regional Office 3 (PRO3), mayroong isang indibidwal na nagtamo ng minor injury na agad dinala sa Makabali Hospital para gamutin.
Nasa 32 istruktura kabilang ang 26 tirahan, 5 business establishments at isang simbahan ang napinsala sa buhawi.
Sa Facebook post ng Bacolor Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bumagsak ang kisame ng Cabalantian Church at nabasag ang mga salamin nito.
Tinangay din ng hangin ang bubong ng ilang tirahan sa isang subdivision sa naturang bayan.
Maliban dito, napinsala ang isang gas station sa kahabaan ng Jasa Road at isang grocery store sa San Fernando-Lubao road.