Advertisers
NANINIWALA ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na lalo pang luminaw ang mga detalye sa pagpaslang at bibilis ang paghahanap ng katarungan para sa Mindoro radio blocktimer Cresenciano ‘Cris’ Bundoquin, matapos boluntaryong pumunta sa National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong gunman nitong Martes, Hunyo 27, 2023.
“The arduous road towards uncovering the truth and giving justice to Bundoquin just hurdled a major obstacle with the voluntary appearance before the NBI of Isabelo Lopez Bautista,” sabi ni PTFoMS Executive Director Paul M. Gutierrez.
Kasama ang kanyang asawa, kapatid at iba pang kaanak at kaibigan, personal na nagpunta sa NBI-NCR office sa Maynila si Bautista pasado 6:00 ng gabi.
Aniya, desidido siyang sa NBI sumuko at sabihin na wala siyang kinalaman sa krimen. Sinabi rin niyang nakahanda na siyang makipagtulungan sa NBI upang maresolba ang krimen.
Inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang NBI-NCR sa ilalim ni Atty. Rommel Vallejo na magsagawa ng ‘parallel investigation’ mahigit isang linggo matapos ang insidente upang mapabilis ang pagresolba nito.
Ang pagpasok ng NBI ay bukod sa ginagawang imbestigasyon ng ‘SITG Bundoquin’ na binuo ng Philippine National Police (PNP sa ilalim ni Mindoro Oriental Police Director, Colonel Samuel Delorino.
Binaril si Bundoquin 4:20 ng umaga ng Mayo 31 ng riding in tandem sa harap ng kanyang tindahan sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City.
Namatay sa kanilang pagtakas ang nakilalang drayber na si Narciso Ignacio Guntan matapos sumalpok sa steel barrier ng kalsada ang motorsiklo, habang itinuro ng dalawang testigo si Bautista bilang gunman.
Sinisilip ng PTFoMS ang talamak na sugal at lokal na pulitika sa probinsiya bilang ilan sa mga posibleng motibo sa pagpaslang kay Bundoquin.
Sa paglutang ni Bautista sa NBI, kaagad nagtungo rito si Gutierrez upang makausap si Bautista kung saan tiniyak ng PToMS chief ang mga karapatan ng una sa ilalim ng batas bilang suspek.
Pinansin ni Gutierrez ang kawalan ng pormal na kaso at warrant of arrest, hindi masasabing ‘sumuko’ si Bautista at ang pagpunta nito sa NBI ay ‘boluntaryo.’
Bagaman noon pang Hunyo 9 nagsampa ng reklamong ‘murder’ at ‘frustrated murder’ ang PNP sa Calapan City Prosecutor’s Office, nabatid na hindi parin ito naisasampa ng piskalya sa korte.
Ayon pa kay Gutierrez, tumaas ang kanyang kumpiyansa sa agarang pagresolba ng kaso matapos makuha ang suporta ni Oriental Mindoro Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor.
“Kung ano ang kailangan ninyo (PTFoMS), kung ano ang maitutulong ko, sabihin lang ninyo,” pagtitiyak ni Dolor kay Gutierrez.
Nag-usap ang dalawang opisyal sa Maynila ilang oras lang bago dumating si Bautista sa NBI.
Ayon pa kay Dolor, “kaibigan” din niya si Bundoquin at iba pang lokal na midya sa probinsiya.