Advertisers
INAPRUBAHAN ng regional trial court ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na alisin ang “drug trafficker” na si Jose Adrian “Jad” Dera mula sa kulungan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa memorandum na nilagdaan nitong July 3, pinayagan ng Regional Trial Court Branch 304 sa Muntinlupa ang hiling ng DoJ, at nag-isyu ng commitment order para ilipat si Dera sa Muntinlupa City Jail Male Dormitory.
Ang bagong detention facility ni Dera ay “ordered to take custody of said accused during the pendency of the case and until further orders from the Court.”
Pinayagan din ng korte, sa pangangasiwa ni Judge Abraham Joseph Alcantara, na ihatid ng Chief of the Security Management Section (CMS) ng NBI at ang Muntinlupa jail warden si Dera sa Senate hearing nitong Miyerkules.
Inihirit ng DOJ na ilipat si Dera sa ibang pasilidad matapos mahuling bumabalik mula sa isang dinner sa buffet restaurant kasama ang anim na security personnel mula sa NBI noong Hunyo.
Bukod dito, nagagawa pa ni Dera na maglabas-pasok sa NBI detention center at magtungo hanggang Tagaytay, Subic at Calatagan, Batangas at magkaroon ng “special food and sleeping conditions.”
Naghain ng kaso ang NBI sa DOJ nitong nakaraang linggo laban kay Dera at anim pa.
Iniimbestigahan ng DOJ at NBI ang ulat na nagbayad si Dera “in the hundreds of thousands” upang makakuha ng mga nabanggit na pribilehiyo.
Itinanggi naman ni Dera na sinuhulan niya ang mga opisyal upang makalabas ng detention.
Subali’t, inamin ng kanyang abogado na binibigyan ang umano’y drug trafficker ng special privileges habang nasa detention.
Nahaharap si Dera sa drug case sa umano’y pagpapasok ng droga sa Bilibid kasama si dating Senator Leila de Lima. Kamakailan ay naabswelto siya sa ilang kaso pati si De Lima, maging sa isang murder case, ayon sa kanyang abogadong si Raymund Palad.