Advertisers
NASAGIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pitong mangingisda nang lumubog ang kanilang bangka sa baybayin ng Gigantes Island, Carles, Iloilo City noong Biyernes.
Kinilala ang mga nailigtas na sina Jomar Asuelo, 52 anyos; Lito Candelario, 46; Robert Rodrigo, 30; Romark Acedre, 37; John Borja, 53; Niño Solitario, 40, at Michael Retirado, 43.
Nasagip ang mga mangingisda sa mabilis na responde ang mga tauhan ng PCG substation sa Estancia at Carles nang malaman na lumubog ang kalahati ng bangkang pangisda, Raj Warrior, sa pagitan ng Gigantes Island at Jintutulo Island (sakop ng Masbate).
Ayon sa ulat, naglayag ang bangkang pangisda Hulyo 23 nguni’t dahil sa epekto ng habagat at bagyong “Egay” sumilong ang ito sa Masbate sa loob ng limang araw.
Sa pag-aakalang bumuti na ang panahon, nagpasya silang bumalik sa Estancia subali’t nasira ang outrigger at pana ng fishing boat sanhi ng malakas na hangin at malalaking alon, dahilan para lumubog ang bangka.(Jocelyn Domenden)