Advertisers
NANGAKO ang European Union (EU) ng 60-million euros o P3.62 bilyon grant na ibubuhos para sa green economy program ng Pilipinas.
Ang joint declaration of intent para sa programa sa pagitan ng magkabilang panig ay sinaksihan mismo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at European Commission president Ursula von der Leyen.
“On development cooperation, we committed to conclude a financing agreement on the green economy program in the Philippines, a grant worth 60 million euros which aims to support the Philippines in areas such as circular economy, renewable energy, and climate change mitigation,” wika ni PBBM sa isinagawang joint press statement sa palasyo nitong Lunes, Hulyo 31.
Sa panig ni von der Leyen, nangako ito na ibabahagi nila ang kanilang expertise at access sa teknolohiya para sa circular economy at iba pa.
Katunayan, sinabi pa niya na sine-setup na ng EU ang Copernicus Mirror Site sa Philippine Space Agency na aniya’y makatutulong upang magkaroon ng early warnings o maagang hudyat o babala sa mga paparating na extreme weather events na magdadala sa bansa tungo sa pagiging climate resilient.
Samantala, kinilala naman ng EU ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitral tribunal ruling sa West Philippine Sea noong 2016.
Sinabi ni von der Leyen na itinuturing nilang ‘binding’ ang hatol ng tribunal na pabor sa ating bans ana sinasabing magsisilbi ring basehan para sa mapayang pagresolba sa hindi pagkakasundo ng mga partido hinggil dito. (Gilbert Perdez)