Advertisers
BINASURA ng Court of Appeals (CA) ang apela ng dating asawa ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na si Jewel May Lobaton para muling buksan ang kasong ‘Estafa’ kungsaan siya’y hinatulan na guilty.
Nakasaad sa inilabas na desisyon ng CA na may ilang dokumento at detalye na hindi naisama ni Lobaton sa kanyang ‘Petition for Certiorari’ na mahalaga para sa kaso.
Dahil dito’y dinismiss ng CA ang hiling ni Lobaton na magkaroon ng re-trial sa estafa case laban sa kanya.
Matatandaan na September 12, 2022 ay hinatulan ng ‘guilty’ si Lobaton ng Quezon City Regional Trial Court Branch 226.
Naghain ng ‘Omnibus Motion’ ang dating beauty queen para sa panibagong trial sa kaso dahil may ilan umanong kamalian na nangyari habang nililitis ito.
Nag-request din si Lobaton na suspendehin ang parusang pagkakakulong sa kanya at makapaghain ng piyansa, na kinatigan ng Quezon City RTC Branch 226 sa bail na P100,000.
Ngunit kinontra ito ng prosekusyon sa paghahain ng motion for reconsideration dahilan para hindi matuloy ang re-trial na hiniling ni Lobaton.
Umapela si Lobaton sa CA dahil sa umano’y ‘grave abuse of discretion’ ng judge na may hawak ng kaso, ngunit hindi ito pinaburan ng korte.
Kinasuhan si Lobaton dahil sa umano’y pag-scam ng lampas P50 million sa ilang indibiduwal kasama ang ilang government official.
Si Lobaton ay tinanghal na Bb. Pilipinas-Universe noong 1998. Naging misis siya ni Pimentel ngunit naghiwalay at na-annul ang kanilang kasal noong 2018.