Advertisers
SUMULAT ang hepe ng Las Pinas City Police sa SIKRETA, hindi upang pabulaanan ang isiniwalat na operasyon ng lotteng ng isang nagngangalang ONIE NINONG sa naturang siyudad kundi ibahagi ang kanilang matatagumpay na kampanya laban sa illegal gambling kabilang na ang pagkaaresto sa 15 tauhan ni ONIE NINONG sa dalawang hiwalay na pagsalakay sa gambling den ng nabanggit na vice operator.
Kung si Las Pinas City Police Chief, Colonel Jaime Santos, ay nagsisikap na sumunod sa direktiba nina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at Southern Police District (SPD) Director BGen. Roderick Mariano na “No take at “One Strike Policies” ay tila kabalintunaan naman ito kay Paranaque City Police Chief Col. Reycon Garduque.
Sa halip na “magpalamig” ng operasyon ni “Lotteng Queen JOY” ay lalong naging talamak at harap-harapan ang pagpapataya ng mga kubrador nito sa halos saan mang sulok ng siyudad ng Paranaque. Wari’y dedma lamang ito kay Col. Garduque at balewala din maging ang atas ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief BGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Ang kalatas na pirmado ni Col. Santos na may petsang Setyembre 11, 2023 ay resulta ng nalathalang pitak sa SIKRETA noong Setyembre 5, 2023 na tumalakay sa illegal gambling, partikular ang pa-lotteng ni ONIE NINONG sa bahaging ito ng Southern Metro Manila.
Sa nasabi pa ring sulat ay inihayag ni Col. Santos na ang pulisya ng Las Pinas City ay hindi nagpapabaya sa kanilang tungkulin laban sa kriminalidad maging sa kampanya laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal. Nakaaresto sila ng mga tauhan o kubrador ni ONIE NINONG, patunay na hindi umano nila kinukunsinte ang ilegal na aktibidad ng naturang gambling lord.
Ayon pa kay Col. Santos, mula Enero hanggang Disyembre 2022, sa ilalim ng kanyang liderato ay nakapagsagawa ng 331 illegal gambling operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng 1,118 katao at pagkakakumpiska ng halagang P93,663.50 bet money. Labing isa sa mga nadakip ay konektado sa lotteng ni ONIE NINONG.
Mula Enero hanggang Setyembre naman ng taong kasalukuyan, ang Las Pinas City Police ay nakapaglunsad ng 139 anti-gambling operation kungsaan umabot sa 455 katao ang nasakote at nakakumpiska ng P65,212.25 gambling money. Sa 445 arestadong gambler, apat dito ay mga tauhan o kubrador ni ONIE NINONG.
Saludo tayo kay Col. Santos dahil imbes na manahimik sa isyu tulad ng ginagawa ng karamihang opisyal ng PNP ay sumulat at ipinaliwanag na ang kanyang pamunuan ay hindi nakakakalimot, hindi rin nagpapabaya sa kanilang mandato at responsibilidad bilang mga alagad ng batas, kasama na dito ang pag-aresto sa mga sangkot sa ilegal na sugal.
Malaki ang posibilidad na nabawasan din nina Col. Santos ang bentahan ng droga sa kanilang hurisdiksyon pagkat may mga ulat na si ONIE NINONG ay sangkot din sa kalakalan ng shabu, gamit na pusher ang karamihan nitong mga lotteng kolektor.
Ang media ay hindi kontra kundi katuwang o partner ng kapulisan laban sa mga taong bumabaluktot at bumabastos sa batas ng bansa, ayon kay Col. Santos.
Ito din ang takbuhan at sumbungan ng mga mamayan ng reklamong hindi naman naaaksyunan ng Pambansang Pulisya kaya huwag namang ikagagalit ni Gen. Acorda Jr. lalo na ng ilang kunsintidor at pikon na mga police official.
Ang isyu hinggil sa lotteng operation ni ONIE NINONG ay sumbong ng mga nabubwesit na mga residente ng Las Pinas sa SIKRETA na kung pagbabasehan ang accomplishment ng pulisya ng lungsod sa ibinahagi ni Col. Santos ay buhay na buhay pa rin ang operasyon ng nagtitigas-tigasang si ONIE NINONG. Pinalakas pang lalo ang loob nito ng kanyang padrinong si Sammy na nagpapakilalang malakas at bagyo kay City Mayor Imelda Aguilar.
Ngunit ayon sa ating mga KASIKRETA, tuwing matatapos ang mga raid laban sa mga gambling haven at rebisahan ng intsik na si ONIE NINONG ay wari’y “alikabok” lamang sa manggas ng pantalon na pinapagpag nito; walang epekto sa kanyang gambling/ drug activity ang mga raid nina Col. Santos; tuloy pa rin as usual ang ilegal na pasugal na lotteng ni ONIE NINONG saan mang matataong lugar ng lungsod.
Magkaganon pa man ay ipinaaabot ng SIKRETA na “well appreciated” ang pagpapadala ni Col. Santos ng kanyang sulat kaakibat nito ang kanyang panig. Ngunit hindi ibig sabihin ay hihinto na tayo sa pagbubunyag sa ginagawang pambabalahura ni ONIE NINONG sa pamunuan ni Mayor Aguilar at maging sa liderato ni Col. Santos.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144