Advertisers
SISIKAPIN ng pamahalaan na magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa kabila ng banta ng El Niño.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ng pamamahagi ng bigas sa mga mahihirap na pamilya sa Zamboanga City na sinasabing parte ng nakumpiskang puslit na bigas sa lungsod.
Ibinida ng Presidential Communications Office (PCO) na nasa 5,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tumanggap ng bigas.
Nagtungo sa Zamboanga ang Pangulo para matunghayan ang sitwasyon ng mga residente at matiyak na natutugunan ang kanilang pangangailangan tulad ng mga taga-Maynila.
Para naman maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng bigas, nangako si PBBM na pupunuin ang mga bodega ng National Food Authority (NFA).
Samantala, inatasan naman ng Presidente ang NFA na maghanda para sa inaasahang pagtama ng El Niño sa huling yugto ng taong kasalukuyan.
Kasabay nito, pinatitiyak din ni Pangulong Marcos na may sapat na buffer stock ng bigas para hindi kapusin ng suplay pagsapit ng matinding epekto ng matinding tagtuyot at hindi tumaas ang presyo nito sa merkado. (Gilbert Perdez)