Advertisers
TINULDUKAN na ng Ombudsman ang walang patumanggang pang-red tagging ng mga dating opisyal ng nakaraang Duterte administration na sina retired military Lt. General Antonio Parlade, Jr. at Lorraine Badoy.
Sina Parlade at Badoy ay dating mga opsiyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na binuo ng Duterte administration at binigyan ng bilyones na pondo para raw wakasan ang mga komunistang rebelde sa Pilipinas.
“Guilty” ang hatol ng Ombudsman sa pang-red tag nina Parlade at Badoy sa mga abogado ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) na binubuo ng human rights lawyers.
Pero mahigpit na pinangaralan lang ng Ombudsman sina Parlade at Badoy, na kapag umulit ay papatawan na ng mabigat na parusa.
Hindi lang ang NUPL ang nagsampa ng reklamo laban dito kay Badoy.
Nitong September 11 ay sinampahan din ng reklamo ng broadcast journalist na si Atom Araullo si Badoy at isa pang dating rebelde na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa red-tagging din.
Mantakin mong ianunsyo nitong sina Badoy at Celiz sa kanilang programa sa TV na si Atom ay propagandista ng komunista, naglagay sa mamamahayag sa delikadong sitwasyon na maaring masipa sa kanyang pinapasukang media company at maging target ng militar.
Si Atom ay anak ng BAYAN Chairperson na si Carol Pagaduan-Araullo, na nauna nang nagsampa ng reklamo ng red tagging laban kina Badoy at Celiz noong Hulyo.
Sina Araullo at ang NUPL ay ilan lamang sa mga nagsampa ng reklamo ng red-tagging nina Badoy, Celiz at Parlade simula nang ilagay sila sa NTF ELCAC na binuhusan ng napakalaking pondo ng nakaraang administrasyong Duterte.
Magkano kaya ang suweldo nina Badoy, Celiz at Parlade sa walang patumanggang pagbibintang sa mga aktibista at mga anak nito para tawagin nilang komunista at propagandista ng mga kalaban ng gobyerno?
Anyway, hayaan na natin ang korte magdesisyon sa mga pinaggagawa nitong Badoy, Parlade at Celiz.
***
Dinemanda ng US government si dating Comelec Chairman Andres Bautista ng ‘money laundering at conspiracy’ sa patanggap umano nito ng malaking suhol na pera mula sa top executives ng hindi pinangalanang poll technology company para sa 2016 elections, sabi ng US Department of Homeland Security.
Sinasabing nagkamal si Bautista ng P1 billion ($17.57 million) sa naturang transaksyon pati sa mga politikong kanyang pinanalo noong 2016.
Si Bautista ay matagal nang nagtatago sa Amerika matapos sampahan ng impeachment.
Sa kinakaharap niyang kaso ngayon sa US, lalong sumikip ang kanyang mundo. Antayin nalang natin ang pag-aresto sa mokong na ito!