Advertisers
DAPAT magpanday ng hiwalay na batas ang Kongreso para sa auditing ng Confidential at Intelligence Funds (CIFs).
Oo! Masyado nang naaabuso ang “PONDO” na ito na hindi nau-audit. Kaya hindi natin batid kung paano o saan ito ginamit na programa, kung may programa o proyekto man.
Dapat lahat ng pondong “confidential” ng bawat ahensiyang nasyunal at lokal na gobyerno ay isapubliko kung paano ginamit, kung saang proyekto inilagay. Karapatan ng bawat Filipinong taxpayer na malaman kung saan napupuntang programa ang bawat sintemo na iniaambag sa gobyerno. Mismo!
Sabi nga nina retired Supreme Court Justices Antonio Carpio at Adolfo Azcuna, para mapalakas ang transparency at pananagutan, dapat dumaan sa auditing ang confi-intel funds. Mismo!
Naniniwala ako na itong confidential funds ay napupunta lang sa bulsa ng mga namumuno sa ahensiya ng gobyerno gayundin sa local government unit. Bakit? Kasi nga hindi sila puwede kuwestiyunin kung saan nilustay ang naturang pondo, “confidential” eh, walang resibo. Nyeta!
Tulad nitong nabunyag na napakalaking confidential expenses ni noo’y Davao City Mayor at ngayo’y Vice President Sara Duterte. Mantakin mong nagkaroon pala ito ng mahigit P2.6 billion “confidential funds” sa loob ng pitong taon niyang panunungkulan bilang alkalde ng lungsod mula 2016 hanggang 2022!
Ang naturang confi-intel funds ay mas malaki pa sa mga alkalde ng malalaking lungsod sa Metro Manila tulad ng Quezon, Manila at Makati, ayon sa datus ng Commission on Audit.
Si VP Sara ay humirit ng kabuuang P650 confi-intel funds para sa 2024 budget ng Office of the Vice President (P500m) at Department of Education (P150m). Pero ito’y binawi na ng Kongreso matapos kuwestiyunin ng mga mambabatas na sina France Castro, Edcel Lagman, Raoul Manuel at Arlene Brosas sa Kamara, at Risa Hontiveros at Koko Pimentel sa Senado.
Kinukuwestiyun din ngayon ng naturang mga mambabatas kung saan at paano ginamit ni VP Sara ang “illegal” confidential funds mula sa Office of the President na P125 million na inubos niya sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022. Grabe! 11 days inubos ang P125m!!!
Sinabing illegal ang naturang pondo dahil walang item ng confidential fund ang OVP noong 2022 General Appropriations Act.
Anyway, balikan natin ang mungkahi ni ret. SC Justice Azcuna. Dapat daw magpanday ng audit law ang Kongreso para sa CIFs.
Makabayan bloc, kilos na!