Advertisers
KINUWESTIYON ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa si Public Works Secretary Manuel Bonoan kaugnay sa mga ibinubungkal na kalsada kahit ayos pa, habang ang mga sira-sirang kalye naman ay hindi inaayos.
“Gusto ko lang tanungin kayo, ‘yung mga comment ng mga tao na nagmu-murmur ba. Sabihin na ano ba itong DPWH na ‘yung kalsadang ito, matibay pa, maganda pa, binubungkal na. Tapos ‘yung sirang-sira na kalsada dun ‘di ginagawa, ‘di inaayos,” wika ni Dela Rosa sa pagdinig ng Senate finance committee kaugnay sa panukalang P821.107 bilyong pondo ng DPWH para sa taon 2024.
“We’ve been questioning that, kahit ako nagtatanong ako… Alam kong maliliit na bagay lang ‘yan pero irritating on the part of the public. Merong magko-comment pa na sayang ang pera ng gobyerno dito. Hindi pa sira binubungkal na,” patuloy ni Dela Rosa.
Depensa naman ni Bonoan, “preventive maintenance” ang ginagawa ng ahensya upang maiwasan ang tuluyang pagkasira ng mga kalsada.
May pagkakataon kasi, aniya, na nagsisimula nang masira ang mga kalsada at mas-economical o mas makabubuti kung isasailalim agad sa preventive maintenance.
“It’s a very technical issue ‘yung ganyan. It is up to the preventive maintenance and reconstruction ang pinag-uusapan po natin dito. Kasi there is a point when the road starts to deteriorate and it would be more economical actually to undertake preventive maintenance,” pahayag ni Bonoan.
“Kaya ‘yung medyo maganda-ganda pa ang tingin ninyo pero actually the pavement starts to deteriorate. So, it would be more economical to repave it at that point of time so we can save the base and sub-base. Hindi na ho natin gagalawin ‘yung base and sub-base. It’s just the pavement that we need to replace,” paliwanag pa ng DPWH chief.
Sa panig naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimente III, naniniwala siya na mahirap paniwalaan ang naging paliwanag ni Bonoan.
“Mahirap paniwalaan e. It goes against the input of our senses. Kita ng mata mo ayos pa e, pero sasabihin sa’yo ‘Hindi, sa ilalim bulok na ‘yan and yet may nakita kang tunay na bulok na hindi naman inaaksyunan,” diin ni Pimentel.
Nang matanong ni Pimentel kung gaano katagal dapat bago magsagawa ng maintenance o reconstruction, tugon ni Bonoan na ang mga asphalt road ay 15 taon habang ang mga kongkretong daan ay tumatagal ng 25 taon pero kailangan parin aniya ng regular na preventive maintenance sa mga ito.
Sinabi naman ni Bonoan, depende sa axle load o ang bigat ng mga sasakyan na dumadaan ang buhay nang itatagal ng mga kalsada.
Sa Pilipinas aniya ay pinapayagan ang 13.5 tons at napakabigat nito kung ikukumpara sa ibang mga bansa na ang axle load limit at nasa 9.5 hanggang 11 tons per axle lamang.
Dahil dito, hiniling ni Pimentel sa DPWH na baguhin o ibaba ang limit o bigat ng mga truck na pwedeng dumaan sa mga kalsada upang mas pahabain ang buhay nito ay maiwasan ang madalas na pagsasaayos ng mga kalye. (Mylene Alfonso)