Advertisers
SUGATAN ang 2 lalaki nang banggain ng rumaragasang dump truck ang hilera ng tindahan sa Barangay Dalig, Teresa, Rizal.
Sa kuha ng CCTV ng isang eskwelahan, makikitang tumama ang truck sa mga bakal sa tapat ng isang covered court bago ito bumangga sa mga tindahan.
Nahagip din ng truck ang isang 20-anyos na lalaki na tiyempong nakatayo sa gilid ng covered court.
“Nakita ko ‘yung truck rumaragasa ang ingay na agad, dapat tutumbukin niyan ‘yung elementary, tapos kumanan siya. Pagkanan niya, naragasa niya ‘yung bakal ng covered court, may nakatambay sa covered court, nakaupo sa motor, inabot ‘yun, talsik dito ‘yung bata,” kwento ni Angelito Aldave, isa sa mga nakakita sa pangyayari.
“Dirediretso parin siya sa tindahan, pagdiretso spark kaagad ang kuryente pati ‘yung tubig, nadala niya poste ng kuryente kaya napa-stop siya” dagdag ni Aldave.
Agad naman isinugod sa ospital ang lalaki, maging ang driver ng truck na parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa isa sa mga may-ari ng tindahan na si William Pedroso, tiyempong walang tao sa tindahan nang mangyari ang insidente pero nasira ang bago niyang bili na tricycle at iba pang gamit at mga paninda na kanyang hanapbuhay.
Nakipag-ugnayan na ang kinatawan ng kumpanya kungsaan nagtatrabaho ang truck driver at nangakong magbibigay ng tulong pinansyal sa lahat ng naapektuhan sa aksidente.