Advertisers

Advertisers

‘Repatriation ng OFW sa Gaza, bilisan’ – Bong Go

0 15

Advertisers

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa Gaza crossfire.

Hinimok din niya ang gobyerno na pabilisin ang pagpapauwi sa mga Pilipinong nasa panganib sa rehiyon.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health at vice chairperson ng Senate committee on migrant workers, nababahala si Go sa kalusugan at kaligtasan ng mga apektadong Pilipino sa ibang bansa na sinisikap lampasan ang iba’t ibang krisis na nangyayari sa buong mundo.



Para kay Go, ang mga Pilipino saan man naroroon sa mundo, lalo ang mga OFW na itinuturing na modernong bayani, ay dapat bigyan ng lubos na atensyon at pangangalaga sa oras ng kanilang pangangailangan.

Dahil sa kasalukuyang pandaigdigang krisis, nauna nang umapela si Go sa Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na unahin ang accounting, proteksyon, at pagpapauwi sa mga OFW na nasa conflict zone.



“Dapat tayong kumilos nang mabilisan upang dalhin ang ating mga kababayan sa ligtas. Dapat pakilusin ng gobyerno ang lahat ng resources nito upang tulungan ang OFWs na nasa panganib na panahong ito,” udyok niya.

Higit pa sa kaligtasan, binigyang-diin din ni Go na mahalaga ang mga programa sa reintegration para sa mga repatriated OFW.



Aniya, ang pagpapauwi sa OFW ay simula pa lamang kaya kailangang tiyakin na sila ay suportado sa muling pagtataguyod ng kanilang buhay gaya ng pagkakataon para sa trabaho at pagnenegosyo pabalik sa bansa.

Ikinokonsidera ng DFA na itaas ang alert level sa hilagang Israel sa susunod na linggo kung patuloy na lalala ang sitwasyon o mas tataas ang panganib para sa mga Pilipino sa rehiyon.

Nauna ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiniyak ng gobyerno ng Israel na agad papayagang makaalis ang mga Pilipino sa Gaza. Naka-standby na ang Philippine embassy sa Cairo para mapadali ang pagdaan ng mga Pilipino sa hanggahan ng Rafah.

Ngunit nag-aatubili ang ilang Pilipino, lalo na ang mga may asawang Palestinian, na iwanan ang kanilang mga pamilya.

Samantala, sinabi ni Go na patuloy na nagbabantay ang kanyang tanggapan sa sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya para makatulong sa mga apektadong OFW at kanilang pamilya.