Advertisers

Advertisers

ERWIN TULFO: MAGPLANO, MAGLAAN NG PONDO SA BANTA NG “SUPER EL NIÑO”

0 24

Advertisers

NAGBABALA si Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development Chairman Erwin Tulfo ukol sa nagbabantang “Super El Niño,” kung saan binigyang-diin niya na ang matinding tagtuyot, pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagkalugi ng kabuhayan ay maiiwasan sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at nakalaang pondo.

Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) na nagpapakita ng P6.87 bilyong pinsala sa agrikultura na nakaapekto sa 223,214 na magsasaka noong Setyembre 26, 2026, sinabi ni Tulfo na wala nang oras na dapat aksayahin upang mabawasan ang posibleng pinsala.

“Huwag na nating hintaying maging abo ang ating mga sakahan, matuyo ang ating mga gripo, at humandusay ang ating mga kababayan dahil sa init bago tayo kumilos sa paghahanap ng solusyon. Nariyan ang agham. Nariyan ang mga babala. Panahon na upang itigil ang pag-aksyon sa sakuna pagkatapos itong mangyari, at simulan ang pagpapatupad ng isang mabilis, maagap, at konkretong plano para sa ating kaligtasan,” pahayag ng Senador mula sa Palawan.



Bagama’t kinikilala ang “El Niño Task Force” ng administrasyon, binigyang-pansin ni Tulfo na ang atensyon ng pamahalaan ay dapat lumampas sa proteksyon lamang ng mga magsasaka at patubig sa mga sakahan.

“Ang isang task force ay dapat higit pa sa pagiging isang coordinating body lamang. Dapat itong magkaroon ng malinaw na plano, malinaw na responsibilidad, at higit sa lahat, sapat na pondo upang kumilos bago pa man lumpuhin ng krisis ang ating mga komunidad,” dagdag pa niya.



Dahil dito, pormal na inilapit ni Tulfo ang usapin sa Senado, kung saan ito ay isinangguni sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee.

Ang naturang espesyal na komite ay binuo ng Mataas na Kapulungan upang tugunan ang pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas, ang pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, at ang paghina ng kakayahang bumili ng mga mamamayan.



Binigyang-diin din ni Sen. Erwin Tulfo na hindi niya layuning manakot, kundi tinitiyak lamang niya na may malinaw na gabay at plano upang maging handa ang bawat Pilipino sa anumang pinakamalalang sitwasyon.

“Hindi natin pwedeng hayaang magkaniya-kaniya ang ating mga kababayan kapag tumama ang krisis. Nararapat lamang na magkaroon sila ng pamahalaang maaasahan—lalo’t nagbabayad sila ng buwis para sa mga serbisyong karapat-dapat nilang matanggap,” pagtatapos ng mambabatas.