Advertisers

Advertisers

Bagong halal na kagawad pinatay mismo sa barangay hall

0 18

Advertisers

BUMULAGTA ang isang ginang na bagong halal na barangay kagawad nang pagbabarilin ng sa barangay hall sa Pasay City nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Marcelina Camacho, dating barangay treasurer at nahalal na kagawad ng Barangay 37 sa katatapos lang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Nangyari ang insidente 5:35 ng hapon habang nakikipagkuwentuhan ang biktima sa mga tao sa loob ng barangay hall.



Sa kuha ng CCTV, makikita ang paghinto sa tapat ng barangay hall ng isang motorsiklo na sakay ang dalawang lalaki. Bumaba ang angkas at nagpaputok ng baril sa glass door ng barangay hall ng dalawang beses, at kaagad sumakay ang gunman sa naghihintay na kasamahan at mabilis na tumakas.

Ayon sa Pasay City Police, naitakbo pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.



“Tagos doon sa glass door eh so hindi na sila pumasok. Pinaputukan siya ng dalawang beses pero according sa ating SOCO, isa lang ang tumama. So sa likod, tumagos sa leeg. ‘Yung pangalawang balang pinaputok tumama sa railings ng glass door,” saad ni Major Christel Carlo Villanueva, commander ng Substation 1 ng Pasay City Police Station.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at inabutan ang mga salarin. Naaresto ang rider na nakilalang si Vladimir Catubay. Nakatakas naman ang gunman.



Ayon kay Villanueva, may natanggap nang death threat ang biktima bago pa naidaos ang BSKE nitong Oktubre 30.

Kabilang sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa krimen ang away pulitika at posibleng issue tungkol sa pautang.

Tikom naman ang bibig ng rider, ngunit humingi ito ng paumanhin sa pamilya ng biktima.

“Doon po sa pamilya, pasensiya na po,” ani Catubay.

Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.(Gaynor Bonilla)