Advertisers
KINILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pagsisikap ng mga local at non-government organizations (NGOs) na tumulong sa pagbangon ng Tacloban City na lubusang winasak ng super bagyong Yolanda sampung taon na ang nakararaan.
Sa kanyang mensahe sa ika-10 taong anibersaryo ng Yolanda tragedy sa Tacloban, binalikan ni PBBM na ang mga NGO at pribadong kumpanya ay isa sa mga unang tumugon pagkatapos ng trahedya, kasama ang mga ahensyang pampamahalaan na nagbigay tulong sa mga nasalanta.
Ginanap ang aktibidad sa Tacloban Convention Center na nagsilbing evacuation center noong manalasa ang Yolanda na ikinasawi ng hindi bababa sa 6,000 katao.
Ayon kay Marcos, naging katuwang ang pribadong sektor sa mga inisyatibo ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kanilang mga sariling hakbang, kabilang ang mga programa para sa cash-for-work at iba pang mga intervention.
Makaraan aniyang manalanta ang bagyo ay nasaksihan noon ang diwa ng bayanihan sa pinakatunay nitong anyo bunsod ng kaliwa’t kanang tulong na dumating sa lugar.
Maliban kay PBBM, dumalo rin sa event sina Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., Sen. Francis tolentino, Sen. Mark villar, House Speaker Martin Romualdez, Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr., ilang dayuhang bisita, at ilang local officials. (Gilbert Perdez)