Advertisers

Advertisers

6 ‘PEKENG PILGRIMS’ HINARANG NG IMMIGRATION SA NAIA

0 22

Advertisers

HINDI umubra ang pagpapanggap ng anim na Pinoy na sila ay mga Pilgrim upang maglakbay sa ilang sagradong lugar para sa isang religous activities subalit sila ay nabuko na ‘peke’ kaya’t hinarang sila ng mga tauhan ng Bureau of Immigration habang papaalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa lungsod ng Pasay.

Ayon sa Immigration sasakay na ang mga pasahero sa flight ng Philippine Airlines papuntang Amman, Jordan nang harangin sila ng mga miyembro ng BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) sa NAIA terminal 1.

Lahat sila ay nag-claim na maglalakbay nang magkasama para sa isang pilgrimage ngunit hindi nila alam ang kanilang itinerary sa paglalakbay at hindi rin nila kilala ang isa’t isa.



Napag-alaman na dalawa sa mga pasahero ang dati nang na-offload sa kanilang flight noong Setyembre matapos ipagpaliban ng mga opisyal ng BI ang kanilang pag-alis dahil sa pagkakaroon ng maraming inconsistencies sa kanilang mga pahayag at dokumento.

Nang maglaon ay nakumpirma na ang grupo ay pupunta sa Jordan upang maghanap ng trabaho.



Sinabi ng anim na ‘pekeng pilgrims’ na isa umanong lalaking pastor ang nag-ayos ng kanilang biyahe at lahat sila ay nagbayad ng malalaking halaga mula P75,000 hanggang P150,000 bawat isa.

Ang nasabing pastor ay ang taong itinuro ng mga “pilgrim” na umalis noong Setyembre upang mag-asikaso ng kanilang sinasabing pilgrimage sa Jordan.



Ang nasabing kaso ay naipasa na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at nakatakdang ipagpatuloy ng National Bureau of Investigation (NBI) ang masusing imbestigasyon upang mabuwag ang modus operandi ng sindikato. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)