Advertisers
NAKAKUHA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng $672,300,000 na pangakong pamumuhunan mula sa iba’t ibang sektor sa kanyang matagumpay na pakikilahok sa ika-30 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit at iba pang mga kaugnay na aktibidad sa San Francisco, California.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang mga investment pledges na ibinunga ng biyahe ni PBBM ay kinabibilangan ng $400 milyon para sa sektor ng telekomunikasyon; $250 milyon para sa semiconductor at electronics; $20 milyon sa pharmaceutical at healthcare; $2 milyon para sa artificial intelligence (AI) para sa weather forecasting; at $0.3 milyon sa renewable energy.
Nakakuha rin si Marcos ng iba pang malalaking commitment sa pagsusulong ng teknolohiya ng ilang pangunahing sektor, kasama na rito ang pagde-deploy ng dalawang Internet MicroGEO satellites sa bansa.
Nakatanggap naman ang Pangulo ng mga pangako para sa pagbuo ng pinakamalaking AI-driven weather forecasting program para sa bansa, pagtatayo ng unang specialty oncology hospital na aprubado ng US Food and Drug Administration (FDA).
Nabuo rin ang kasunduan para sa unang yugto ng isang proyektong may kinalaman sa sustainable energy na magbibigay ng abot-kaya at maaasahang access sa kuryente sa pamamagitan ng kasunduan sa pagitan ng MERALCO at Ultra Safe Nuclear Corporation.
Maliban dito, nagkaroon din ng karagdagang $1 bilyon na pamumuhunan para sa industriya ng semiconductor sa bansa. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)