Advertisers

Advertisers

Panawagan ni Mayor Honey sa mga nanumpang brgy. officials… “Magtulungan tayo”

0 17

Advertisers

“MAGTULUNGAN tayong gawing maayos, malinis, masigla, mapayapa, maunlad at tunay na Maringal ang Maynila.”

Ito ang palagiang panawagan ni Mayor Honey Lacuna, matapos niyang pangasiwaan ang oath of office ng mga newly-elected barangay officials na kumakatawan sa 896 barangays sa Maynila .

Ipinanawagan din ni Lacuna sa mga nasabing barangay officials na isapuso ang kanilang panunumpa.



Sa dami ng mga kandidato na nagprisintang magserbisyo sa kani-kanilang barangay, binati ni Lacuna ang mga nanalo at itinanim sa kanilang isipan ang matandang kasabihan na mangilan-ngilan lamang ang pinipili, “with great power comes great responsibility.”

Sa dami ng iba’t-ibang plataporma at intensyon na inilatag ng mga kandidato sa katatapos na eleksyon, sinabi ni Lacuna na mga bagong halal na mga barangay officials na sila ay mapalad na pinagkatiwalaan ng mandato.

“Matapos ang isang araw ng botohan, kayo ang mga pinagtiwalaan ng inyong mga kabarangay. Kaakibat ng pagkakapili sa inyo na maging Punong Barangay at mga Kagawad ay ang malaking responsibilidad na dapat ninyong isaalang-alang sa bawat araw ng inyong panunungkulan,” pahayag nito.

Idinagdag pa ni Lacuna: “Bilang mga opisyal ng barangayan, kayo ang unang-una sa hanay ng mga lingkod bayan. Kayo ang pinaka-malapit at pinaka-direktang napupuntahan at napagdudulugan ng mga kailangan ng inyong mga nasasakupan. Ang barangay ang tinaguriang basic political unit. Kayo ang nagsisilbing pangunahing sangay ng pamahalaan na nagsasagawa at nagpapatupad ng mga patakaran, plano, programa, proyekto at mga gawain sa komunidad.”

Sa pamamagitan ng regular barangay assembly, sinabi ni Lacuna na ang mga opisyal ng barangay ang direktang contact sa mga pamayanan upang dinggin ang kolektibong pananaw at sentimenyento ng mga residente.

Sila rin ay nagsisilbing tulay na nagdudugsong sa mga barangay sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.



Maliban sa kanilang mandato na magserbisyo, binigyang diin ni Lacuna ang responsibilidad ng proper fiscal management, lalong-lalo na ang pagbibigay ng importanteng kunsiderasyon sa pangangailangan ng kanilang mga barangays.

“Kasama sa ipinagkatiwala sa inyo ang tungkulin na planuhin at gamitin ang inyong pondo ng wasto at naaayon sa mga itinakdang patakaran sa pananalapi. Bigyang prayoridad ang mga pangunahing pangangailangan ng inyong mga kabarangay. Kayo ang pangunahing tagapagpatupad ng mga batas at tagapag-panatili ng kaayusan at kapayapaan sa inyong komunidad,” sabi ng lady mayor.

“Kayo ang mga nagsisilbing frontliners sa paghahatid ng serbisyo sa tao. Nagbibigay proteksyon at umaalalay sa kaligtasan ng inyong mga nasasakupan sa panahon ng kalamidad at sakuna. Tunay na marami kayong dapat gawin kaya’t napaka-halaga rin na mahikayat ninyo ang inyong mga kapitbahay na aktibong makilahok, makiisa at makisangkot sa lahat ng inyong mga proyekto,” dagdag pa nito.

Samantala, tiniyak naman ni Lacuna sa lahat ng bagong barangay officials na ang pamahalaang lungsod ng Maynila at ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay magbibigay ng tamang gabay at impormasyon sa pamamahala ng barangay at pagpapatakbo nito.

Naririyan din ang Liga ng mga Barangay at ang Manila Barangay Bureau na palagiang makikipagtulungan at magbibigay ng impormasyon sa lahat ng direktiba proyekto at programa na ipinatutupad ng city at national governments.

“Sa panunumpa ninyo sa katungkulan, nawa’y naisapuso ninyo ang bawat salitang inyong binigkas, sapagkat yun ang nagsisilbing kredo o panata ninyo sa inyong paglilingkod. Kayo ang aming kasama, kaisa, at kaagapay sa pagbibigay Kalinga sa lahat ng Manilenyo. Kayo ang katuwang namin upang ihatid ang lahat ng mga serbisyo, diretso sa tao,” sabi ni Lacuna. (ANDI GARCIA)