Advertisers
NATAGPUANG patay ang apat sa anim na Chinese na dinukot ng mga armadong lalaki mula sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City noong Oktubre.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) public information officer Colonel Jean Fajardo, dalawa sa mga biktima ang natagpuang patay sa Infanta, Quezon noong Nobyembre 6.
Sinabi ni Fajardo na magkapatid ang mga biktima, base sa DNA samples na ibinigay ng kanilang ina.
“Ang kanilang profile sa DNA tumugma sa sa kanilang ina,” sabi ni Fajardo.
Itinapon ang labi ng dalawa pang biktima sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ng Anti-Kidnapping Group ang mga biktima sa pamamagitan ng mga damit na kanilang isinuot nang kinidnap noong Oktubre 30.
Sinabi ni Fajardo, hinihintay nila ang resulta ng DNA testing para sa kumpirmasyon ng kanilang pagkakakilanlan.
Nananatiling nawawala ang dalawa pang biktima.
Ang mga biktima at ang tatlo nilang kasamang Pinoy ay sapilitang kinuha ng mga armadong lalaki mula sa isang bahay sa kahabaan ng Sampaca street 4:00 ng umaga.
Sinabi ng pulisya na tinutukan ng baril, nakapiring at sapilitang isinakay sa isang Toyota Hi-Ace van ang mga biktima.
Pinalaya ang mga Pinoy sa Barangay Limao, Caluan, Laguna noong araw din iyon at iniulat nila ang insidente ng kidnapping.
Sinabi ni Fajardo na natukoy na nila ang mga person of interest sa pagkidnap at pagpatay sa mga biktima, ngunit tumanggi itong magbigay ng iba pang detalye dahil sa patuloy na imbestigasyon.