Advertisers
Muling nagsagawa ng local recruitment activities (LRA) ang Caloocan Public Employment Service Office (PESO) para sa kapakanan ng mga naghahanap ng trabaho sa lungsod noong Martes, Nobyembre 28 sa parehong North at South City Hall.
Maraming mga kasosyong kumpanya kabilang ang SM Supermarkets, Excel Pro Placement and Services Inc., at sa Skills and Talent Employment Pool Inc. ang nagbigay ng dose-dosenang mga bakanteng trabaho sa aktibidad sa pangangalap.
Nagpahayag ng pasasalamat si City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa nasabing mga kumpanya at hinikayat ang kanyang mga nasasakupan na samantalahin ang mga programa sa pagtatrabaho at kabuhayan ng pamahalaang lungsod para sa disente at matatag na mapagkukunan ng kita.
“Nagpapasalamat po tayo sa mga pribadong kumpanya na patuloy nating katuwang sa pagbibigay ng tulong at pagkakaroon ng tiwala sa mga kakayahan ng mga Batang Kankaloo na magtrabaho nang mahusay at marangal,” wika ni Mayor Along.
“Sa atin pong mga kababayan, huwag pong sayangin ang mga ganitong klase ng programa mula sa PESO at mag-abang lang po ng mga anunsyo para sa mga susunod pang recruitment activities, job fairs, at mga livelihood distribution program,” dagdag ni Mayor Malapitan.(BR)