Groundbreaking ng 6-storey building sa Aurora A. Quezon Elem. Sch., pinangunahan ni Mayor Honey
Advertisers
PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ng six-storey school building sa Aurora A. Quezon Elementary School compound sa Malate, Manila.
Si Lacuna ay sinalubong ng school rondalla na binubuo ng mga bata, kasama ang mga school authorities sa pangunguna ng school principal na si Randy Emen, division of city schools superintendent Rita Riddle, city engineer Armand Andres, District 5 Congressman Irwin Tieng, City Councilors, faculty members, mag-aaral, kawani at magulang mula sa nasabing paaralan.
Nabatid kay Andres na ang bagong gusali na itatayo ay mayroong 75 classrooms, library, computer room, convertible hall at canteen, clinic at infirmary, lounge at two elevator units.
“Sana, ang bagong gusaling itatayo dito ay maging inspirasyon di lamang sa mga batang mag-aaral upang magsipag at magsikap sa kanilang pag-aaral, kundi maging sa mga guro na lalo pang pag-igihin, pag-ibayuhin ang kanilang gawain sa paglinang at paghasa sa kaalaman ng kanilang mga mag-aaral,” ayon sa lady mayor.
Bilang ganti, ay nanawagan si Lacuna sa mga school authorities na gawin ang pinakamahusay at nararapat na mapangalagaan ang bagong gusali pati na ang mga pasilidad nito, upang ang mga susunod na henerasyon ay mapakinabangan din ito.
“Pagsikapan din sana nating lahat na mapangalagaan at maingatan ito upang maraming mga kabataan ang makagamit nito at maging mahalagang bahagi ng kanilang karanasan sa pagkatuto at pag-aaral sa Aurora A. Quezon Elementary School dito sa lugar ng Malate,” sabi ni Lacuna.
“Ito ay alay natin sa mga Batang Manilenyo. Bahagi ng ating mga hakbang patungo sa pagsasakatuparan ng minimithi nating isang Maringal na Maynila,” dagdag pa ng alkalde.
Binigyang diin ni Lacuna ang kahalagahan ng edukasyon na bilang natatanging kayamanan na maibibigay ng mga magulang at guardians sa kanilang mga anak at bilang matibay na pundasyon din na kanilang masasandalan sa hinaharap.
Ayon kay Lacuna, bawat bata ay may karapatan para sa de kalidad na edukasyon kaya naman ang lokal na pamahalaan ay palagiang nakikipagtulungan sa Department of Education upang patuloy na makahanap ng paraan upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral sa public schools.
“Sa pamamagitan ng masinop at maingat na pangangasiwa sa pondo ng ating lungsod ay patuloy din tayong makapagpapa-ayos, mapagpapatayo, makapagpapaganda ng mga pasilidad sa ating mga paaralan,” sabi ng alkalde. (ANDI GARCIA)