Advertisers
Ni JIMI ESCALA
MARIING itinanggi ng bida ng pinipilahang MMFF entry na “When I Met You in Tokyo” at Star for all Seasons Vilma Santos ang isyung ang asawang si Cong. Ralph Recto ang producer ng pelikula nila ni Christopher De Leon.
Ayon kay Ate Vi, wala raw naiambag na salapi sa naturang pelikula nila ang asawang pumalit sa dating puwesto niya bilang mambabatas sa lone district ng Lipa, Batangas.
Dagdag pa ng multi awarded actress na kahit ilang beses niyang itinanggi ang naturang isyu ay hindi raw naman niya niya masisisi kung may mga mag iisip pa rin na may kinalaman ang asawang mambabatas sa pelikulang “WIMYIT”.
Sobrang sipag kasi ni Ate Vi sa pagpo promote ng MMFF entry niyang ito at kahit medyo nakaramdam na ang original grand slam actress ng pagod ay tuluy-tuloy pa rin siya sa pangungumbinsi sa moviegoers na suportahan ang pelikula nila.
“Well, not for anything else gusto ko lang talaga maibalik ang sigla ng mga tao sa pelikulang Pilipino.
“Sana makatulong ang pelikula naming “When I Met You In Tokyo na maibalik sa mga manonood ang sigla sa panonood ng pelikulang Tagalog,” sey pa ng walang kapagurang Star for All Seasons.
***
KUNG itinanggi ni Ate Vi ang pagiging produ ng pelikula nila ni Boyet ay inamin naman niyang may naging ambag sa pelikulang “Mallari” si Cong. Ralph Recto.
Sey ni Vi na nag-share lang daw sa movie na pinagbibidahan ni Piolo Pascual ang esposo niya pero hindi raw naman ang asawa niya ang producer.
“Hindi siya ang 100 percent producer, sort of nagbigay lang siya ng share sa korporasyon. Kasi si Bryan kaibigan namin ang may hawak ng production nag-share lang si Ralph,” sambit pa ng pangunahing aktres.
Dagdag pa ni Ate Vi na malapit din sa kanila si Piolo Pascual na naging anak niya sa pelikulang “Dekada 70”.
Bukod sa pelikula nilang “When I Met You In Tokyo” ay kasama rin sa mga dasal at pakiusap ni Ate Vi sa publiko na suportahan ang lahat ng MMFF entries.
“Sharon Cuneta is like a sister to me, sina Marian at Dingdong, sina Pokwang at Eugene and I love those people na kasama sa lahat ng MMFF entry.
“I love Piolo so much, lahat naman ng pelikula sa MMFF for me is not even a competition,” pagtatapos ng one and only Star for All Seasons.