Advertisers

Advertisers

Kompromiso sa PUV modernization

0 8

Advertisers

PAREHONG nagmamatigas at may kanya-kanyang magkasalungat na paninindigan ang pamahalaan at ang grupo ng mga drayber hinggil sa isyu ng public utility vehicle modernization program.

Sa isang banda ay sinsabi ng mga drayber na hindi sila susunod sa December 31, 2023 deadline na itinakda ng gobyerno para sa consolidation o pagsasama-sama sa isang kooperatiba ng mga pampasaherong sasakyan sa buong bansa.

Ang consolidation kasi ang unang hakbang upang makasali sa programa ang mga drayber at sa ganoon ay masimulan na rin ang proseso upang tuluyan na nilang iwan ang kanilang mga tradisyonal na jeepney at gumamit na ng mga makabagong pampasaherong sasakyan.



Nanindigan naman ang pamahalaan at sinabing wala ng extension ang deadline at kailangang sumunod ang mga drayber kung gusto pa nilang patuloy na makabiyahe sa mga kalsada.

Medyo masalimuot ang usaping ito sapagkat tila wala na yatang pag-asa na magkasundo ang dalawang panig at siyempre kapag ganito ang nangyari ay ang mga commuters ang direktang maapektuhan.



Sa isang banda ay may katwiran din kasi ang mga drayber dahil anila hindi nila alam kung saang kamay ng Diyos kukunin ang ang P300,000 membership fee para makasali sila sa kooperatiba.

Maliban pa rito ang P2.8 milyon para ipambili ng isang airconditioned jeep para makabiyahe sila.



Tsk! Medyo mahirap nga naman malikom ang mga halagang iyan dahil alam naman natin ang buhay ng mga drayber na sapat lang sa pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya nila ang kanilang kinikita.

Desidido naman ang gobyerno na isulong ang programa para aniya maging mas ligtas ang mga pasahero at maging mas malinis na rin ang ating kapaligiran mula sa usok at polusyon.

Sinabi ni Mody Floranda, national president ng Piston, na pahirap aniya sa mga jeepney operators at drivers ang consolidation dahil ang mga nangangasiwa raw sa kooperatiba lamang ang makikinabang dito.

Ibig niyang sabihin ay mukhang pagkakakitaan lamang ito ng ilang “matatalino” kaya naman pumapalag ang mga drayber bagamat anila ay hindi naman sila talagang kumokontra sa programa.

Sa harap ng ganitong usapin ay sana naman ay magkaroon ng kompromiso ang dalawang panig upang hindi naman maapektuhan ang mga mananakay na siyang tunay na biktima sa usaping ito.

Makakatulong din kung agad na magbababa ng desisyon ang Korte Suprema hinggil sa petisyon ng mga drayber na ipagsantabi muna ang naunang deadline ng pamahalaan.

Abangan!