Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
USUNG-uso ang sipon, ubo at lagnat, at isa sa mga tinamaan bago mag-Pasko ay ang aktres na si Lotlot de Leon.
Pero pagkagaling niya ay lumagare na sa trabaho si Lotlot de Leon.
Negative naman si Lotlot sa swab test para sa COVID-19 pero matinding ubo at sipon ang dumale sa mahusay na aktres ilang araw bago mag-Pasko.
Mabuti na lamang at isang araw bago ang taping niya para sa Makiling na bagong serye ng GMA starring Derrick Monasterio and Elle Villanueva ay gumaling na si Lotlot, at mabuti na rin ang pakiramdam niya sa bisperas ng Pasko kaya naman Christmas day mismo ay nakapagluto pa siya ng mga pagkain, tulad ng liempo, na request kay Lotlot ni Janine Gutierrez.
Tuwing Pasko, mismong December 25 ay dumarating ang mga anak ni Lotlot na sina Janine, Jessica, Diego at Maxine Gutierrez para doon maghapunan kasama sina Lotlot at mister nitong si Fadi El-Soury.
After Christmas ay tumungo naman sa Batangas si Lotlot para sa shooting ng isang bagong pelikula na hindi pa maaaring isulat ang mga detalye.
Samantala, haping-happy si Lotlot dahil malakas ang kinikita sa box-office ng When I Met You In Tokyo na reunion movie ng ama niyang si Christopher de Leon at Star for All Seasons na si Ms. Vilma Santos.
Isa nga ang nabanggit na pelikula na pinipilahan ng moviegoers na nagbabalik-sinehan na matapos ang mahabang panahon ng pandemya.
Saksi kami na ang susyal at high-end na Glorietta 4 sa Makati ay pagkahaba-haba ng pila ng mga taong bumibili ng tickets at halos lahat ng sinehan ay puno, tulad ng mga sinehan sa naturang mall na pinagpapalabasan ng When I Met You In Tokyo, Rewind at Firefly.
Sana nga, tuluy-tuloy na ang muling panonood ng sine ng publiko at sana rin nga, bumaba na ang presyo ng tickets para makapanood ng pelikula.
***
GINULANTANG ang 2023, partikular ang mundo ng showbiz ng mga hiwalayan ng mga mag-asawa at magkarelasyon, tulad nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, at ng wala pang kumpirmasyon na hiwalayan nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez, at ang nakabitin pa ring isyu tungkol kina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi kung totoo ngang hiwalay na ang dalawa at kung ano ang dahilan.
At tungkol pa rin sa hiwalayang laganap ngayon sa showbiz, may blind item na kumakalat kamakailan na on the rocks o nanganganib mawasak ang relasyon ng isang mahusay na aktor at isang mahusay na aktres.
May listahan bilang panghuhula sa kung sino ang tinutukoy sa naturang blind item at nakalista ang pangalan nina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado.
Hiningan namin si Tonton ng reaksyon tungkol dito.
“On the rocks? I have no… hindi ko alam kung saan nanggaling yun, dahil there’s no truth to it, so hindi ko alam.”
Maayos daw ang pagsasama nila ni Glydel bilang mag-asawa.
“Yeah we’re okay!”
Lahad pa ni Tonton, “At saka sa amin naman kung meron mang lumabas na ganun, hindi naman kami maaapektuhan, e.
“Hindi kami kailangang maapektuhan, kung ano yung alam namin sa isa’t isa, magkasama kami, bakit kami maa-ano? Ako ganun din ako e, ganun akong tao na kung may i-tsitsismis man about me at alam ko sa sarili ko na hindi totoo yun, then hindi ako magre-react, hindi ko papansinin.”
Samantala, nagkasama sa pelikulang Unspoken Letters sina Glydel at Tonton na pinagbidahan ng newbie actress na si Jhassy Busran.
Hindi nakapasok sa Metro Manila Film Festival bilang entry ang Unspoken Letters kaya napaaga ang showing nito sa mga sinehan nitong December 13.
Gumanap din sa mahahalagang papel sa Unspoken Letters sina Gladys Reyes, Matet de Leon, Simon Ibarra, Daria Ramirez, Deborah Sun, Orlando Sol, John Heindrick, Christine Samson at MJ Manuel.
Ang Unspoken Letters ay sa panulat at direksyon ni Gat Alaman na siya ring executive producer ng pelikula, co-director naman niya si Paolo Bertola at associate director si Andy Andico.