Advertisers
By Anne Venancio
Opisyal nang bahagi ng Star Magic si actress Lovi Poe matapos siyang ipakilala bilang pinakabagong Kapamilya artist sa isang welcome event noong Hulyo 21.
Mainit ang naging pagtanggap kay Poe ng Star Magic family at entertainment media. Sa kanyang mensahe, sinabi niyang nagpapasalamat siya sa pagkakataong maging bahagi ng talent agency ng ABS-CBN.
Ayon kay Poe, malaking suporta ang natatanggap niya mula sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang asawang si Montgomery Blencowe, na patuloy na nakaalalay sa kanya sa kabila ng kanilang long-distance setup dahil sa trabaho.
Inilarawan ni Poe ang kanyang paglipat sa Star Magic bilang panibagong yugto sa kanyang career. Aniya, matagal na niyang pinapangarap na maging bahagi ng Kapamilya talent agency dahil lumaki siyang napapanood ang mga artist ng ABS-CBN.
Bilang bagong Star Magic artist, sinabi ni Poe na nais niyang subukan ang action projects, gayundin ang thriller, horror at comedy genres. Ibinahagi rin niyang nais niyang makatrabaho sina Kathryn Bernardo, Gerald Anderson, Jericho Rosales, Belle Mariano at Maris Racal.
Samantala, sinabi ni Star Magic head Laurenti Dyogi na ikinatutuwa nilang tanggapin si Poe sa kanilang lumalaking pamilya. Pinuri niya ang aktres sa husay nito bilang performer, producer at storyteller, at sa pagpapatuloy nito sa pamana ng kanyang amang si Fernando Poe Jr.
Dagdag pa ni Poe, isa sa kanyang dream projects sa ABS-CBN ang paggawa ng remake ng isang pelikulang pinagbidahan ng kanyang ama.