Advertisers
Napag-alaman natin na magkakontra pala sa NBA ang mag-asawang Jesse at Leni Robredo.
Noong Rizal Day tayo ay nasa block screening ng Gomburza na tinaguyod ng opisina ni LGR. Nagkataon na nakasuot tayo ng purple and gold jersey ni LBJ nang magkita kami doon ng ina nina Aika, Triccia at Jillian.
Nagkomento tuloy ang panganay na anak ni Judge Gerona na magkakampi kami ni Sec Robredo sa pinakasikat na liga sa mundo.
Noong nabubuhay ang matagal na alkalde ng Naga ay tagahanga siya ng Lakers. Batid natin na ngayo’y fan naman ng Golden State Warriors ang pinuno ng Angat Buhay.
Sa PBA ay maka-Toyota ang naging Kalihim ng DILG samantalang Crispa diehard ang VP noong 2016-2022.
Magkalaban sila sa mga paboritong koponan nguni’t sa pamamahala ng bayan ay kapwa silang nasa tamang daan.
Pareho silang matino at mahusay sa pangangasiwa ng mga ahensiya ng gobyerno na pinamunuan.
Kitang-kita yan sa mga nagawa nila habang nasa posisyon. Ni wala ring bahid ng kurapsyon ang kanilang mga pangalan.
Kaya mahal na mahal silang dalawa ng taong-bayan.
***
Naghuntahan ang barkadahan sa pondahan ni Aling Barang kahapon at ang paksa ay kung kaya pa makabangon ng PBA sa sinasabing pinakamababang popularidad ng liga simula noon.
Bale ika-48 na edisyon ang season ngayon at lapit na mag-limang dekada ang unang play for pay league sa Asya.
Ayon kay Tata Selo hindi pupuwedeng ikaila ng mga opisyal na sadsad kanilang tv ratings. Pati live game sa mga venue ay kakunti na ang tao maliban lang kung naglalaro ang Ginebra o Finals na.
Kaya nga nawala na coverage sa TV5 at napunta sa A2Z na mas mahinang channel. Oo kahit pa idagdag ang simulcast sa CNN Phils ay talagang hirap na hirap makapuntos sa survey.
Oo eka ni Ka Berong na talagang lumiit ang tv audience in general dahil sa social media pero lalo pa ang tv coverage.
Dati pinag-aagawan ang tv rights ng PBA nguni’t hindi na.
Sabi ni Pepeng Kirat hangga’t ganyan ang sistema sa liga ay hindi na ito makakabawi pa. Ang tinutukoy ni Pepe ay ang pagkontrol ng dalawang higanteng korporasyon sa lahat ng aspeto.
Hindi parehas ang laban eh. Mayayamang mga koponan na lang ang magwawagi.
Kaya daw umalis na ang Alaska eh. Walang pag-asa ang ibang team sa labas ng dalawang grupo.
Sino nga naman matutuwa sa kanila. Nandiyan naman daw ang NBA. Pwede na rin ang UAAP at NCAA.
Tapos marami na ring mahuhusay na mga bata na mas pinili sa overseas magpakita ng galing.
Hayun nasa Japan, Korea at Taiwan na ang mga superstar na sana sa PBA ngayon.