171 sex offenders hinarang ng BI na makapasok sa Pilipinas noong 2023
Advertisers
SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na hinarang ng kanilang mga immigration inspectors sa iba’t-ibang ports of entry noong 2023 ang may 171 na dayuhan na may record na nahatulan dahil sa mga kasong may kinalaman sex crimes.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang pagpigil sa mga dayuhan na makapasok ng bansa ay alinsunod sa probisyon sa immigration act na nagbabawal na papasukin ang mga dayuhan na nahatulan o nakasuhan sa mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.
“They were also placed in our blacklist of undesirable aliens to make sure that they are excluded if they attempt again to come here in the future,” Sabi ni Tansingco.
“Their presence poses a serious risk to our women and children,” dagdag pa nito.
?Lumilitaw sa records na sa 171 dayuhan na ‘di pinayagang makapasok ng bansa dahil sa sila ay mga sex offenders, 129 dito ay Americans, sumunod ang Britons na may 15, apat naman ang Australians, at apat din ang Irishmen. Kabilang din sa listahan ang dalawang Germans at dalawang Chinese nationals.
Sa nasabing 171 dayuhan, 153 ang hinarang dahil sila ay mga registered sex offenders (RSOs) habang ang iba naman ay may mga kasong may kinalaman sa sex crimes o inireklamo dahil sa parehong kaso.
Ang RSOs ay mga indibidwal na inilagay registry of sex offenders ng kanilang gobyerno matapos na mahatulan, nakatapos ng sentensya o pinalaya dahil sa probation.
Ang ganitong gawain ay nagbibigay sa mga awtoridad ng isang bansa ng pagkakataon na matukoy at malaman ang galaw ng sex offenders’ at nabibigyang babala ang isang bansa kung ang indibidwal na ito ay bibyahe o papasok sa kanilang bansang counterpart.
Nauna dito ay nagpahayag si Tansingco na pagkabahala sa bilang ng mga dumadating sex offenders sa airports at ito ay nagsimula matapos ang COVID-19 pandemic.
Sinigurado ni Tansingco sa publiko na hindi papayagan ng BI na makapasok ang mga dayuhang ito sa Pilipinas, ‘di dahil ipinagbabawal ito ng batas kundi dahil sila ay banta sa Filipinong kababaihan at mga bata, na maaari nilang maging biktima. (JERRY S. TAN / JOJO SADIWA)