Advertisers
MABUTI naman at kumilos na ang ating mga mambabatas diyan sa Kamara at nagtakda na nang imbestigasyon kaugnay ng isinusulong na public utility vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan.
Ang gagawing imbestigasyon na bubuksan sa Miyerkules (Enero 10) ay hinggil sa napapabalitang korapsyon na bumababalot sa nasabing kontrobersyal na programa.
Una na kasing umalma ang mga driver dahil sa anila ay napakamahal na mga unit ng modern jeepney kuno na umaabot hanggang P2.8 milyon ang halaga kada isa.
Pinuna rin nila ang pagkiling ng mga nagpapatupad ng programa sa mga imported na units na gawa sa China sa halip na suportahan at bumili na lang sa mga local manufacturers.
Ang isang sablay kasi kapag sa Tsina binili ang mga modern PUJ ay tiyak na mawawalis na ang iconic na disenyo ng mga pampasaherong dyip natin, na maituturing na isa sa mga simbolo ng ating bansa.
Isa pang mali sa isinusulong na pagbili lamang ng modernong dyip sa Tsina ay tiyak na mawawalan na rin ng trabaho ang mga empleyado ng ating mga local jeepney manufacturers.
Ibig sabihin binigyan natin ng trabaho ang mga intsik pero tinanggalan naman natin kabuhayan ang ating mga kababayan.
Dapat kasi kapag gumagawa ng mga proyekto at programa ang ating mga lider ay iisipin din nila ang kapakanan ng maapektuhagn mga industriya at sektor.
Ang problema kasi sa kanila ay wala silang iniisip kundi kung magkano ang takits nila kapag naipatupad at naisagawa na ang mga proyekto na isinusulong nila.
Wala silang pakialam kesehoda na maghirap ang mga trabahador sa mga apektadong industriya basta ang mahalaga ay tumaba ang kanilang mga bulsa.
Kaya naman para sa akin ay dapat ipagpaliban muna ang pagpapatupad ng PUV modernization hangga’t hindi natitiyak na libre ito sa korapsyon.
Dapat rin siguruhin na talagang ang higit na nakararaming mga kababayan natin ang makikinabang dito at hindi ang bulsa lamang ng iilang gahaman na nasa pamahalaan.
Sana rin lamang ay totohahang imbestigasyon at hindi grandstanding lang ang gagawin ng mga “kagalang-galang” nating mga mambabatas diyan sa Kamara.
Abangan!