Advertisers
NAGHAIN ng resolusyon ang Makabayan bloc na naglalayong imbestigahan ang umano’y paggamit ng pampublikong pondo para bumili ng mga pirma para sa Charter Change o Cha-Cha.
Sinabi nitong Linggo ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na nakatanggap sila ng mga ulat ng pagbili ng boto para sa isang people’s initiative, isang probisyon sa Konstitusyon na mag-uutos sa House of Representatives at Senado na bumoto nang sama-sama, sa halip na hiwalay, sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
“Ang ilan ay pinangakuan ng ayuda, at iba naman ay isinabay ang pagpapapirma sa gift giving noong kapasakuhan. May report din na pati mga PWD ay nililinlang para papirmahin sa Cha-Cha,” ayon kay Castro.
Ito ang dahilan kaya naghain sina Castro, Kabataan Rep. Raoul Manuel at Gabriela Rep. Arlene Brosas ng House Resolution 1541.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng presidential sister na si Senador Imee Marcos na P20 milyon ang iniaalok sa bawat distrito sa ilang probinsya para bumili ng mga pirma para sa people’s initiative.
Ito ay matapos sabihin ni Albay Rep. Edcel Lagman na noong Enero 5, ang mga coordinator ng Ako Bicol ay naglabas ng pondo para sa P100/botante na kampanya upang baguhin ang charter sa pamamagitan ng people’s initiative.
Ang kampanya ay iniulat na kumalat sa higit pang mga rehiyon, kabilang ang Metro Manila, Ilocos, Central Visayas, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.