Advertisers
KINUWESTIYON ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagiging kapaki-pakinabang ng mga financing strategy ng pamahalaan para sa Universal Health Care (UHC) program, matapos niyang mapansin na paulit-ulit na nagbabago ang mga spending target pero hindi naman palaging naaayon sa aktuwal na paggastos.
Napansin ni Lacson na sunod-sunod na nagpatupad ang DOH ng mga financing plan para sa UHC, na may magkakaibang low, medium at high spending targets, kung kaya’t mahirap masukat nang maayos ang progreso sa pagpapatupad ng programa.
“Isang napansin ko since rollout, laging papalit-palit ang ating spending plans. Kaya tanong ko, where are we at in the implementation of the UHC? Kasi pupunta tayo ng medium, bababa tayo ng low, wala pa tayo sa high. Ang alam kong timeline, after six years from 2020 to 2026, dapat sa high end ang coverage, lahat na. Nasaan po tayo ngayon?” tanong niya sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa 2027 budget ng Department of Health (DOH).
Batay sa Medium Term Expenditure Program (MTEP) ng DOH para sa 2019 hanggang 2022, sinabi ni Lacson na ang mga spending target para sa UHC ay P168.23 bilyon para sa low-end (status quo), P257.08 bilyon para sa medium (may saklaw na piling priority areas), at P286.33 bilyon para sa high (saklaw ang lahat ng barangay sa buong bansa).
Ngunit binago ang mga target sa ilalim ng MTEP para sa 2020 hanggang 2023, na nagtakda ng spending targets na P199.01 bilyon para sa low-end at P469.39 bilyon para sa high-end.
Muli itong binago sa ilalim ng Health Care Financing Strategy para sa 2023 hanggang 2028, na nagtakda ng targets na P329.7 bilyon para sa low, P456.53 bilyon para sa medium, at P593.647 bilyon para sa high.
Ang aktuwal na health spending para sa 2022 ay umabot sa P283.52 bilyon.
Sinabi rin ni Lacson na bagama’t nagawa ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na mapababa ang bahagi ng out-of-pocket payments para sa health services sa 41.2% pagsapit ng katapusan ng 2025 mula sa 55% noong 2016, at target pa itong ibaba sa 37% pagsapit ng 2028, nangangailangan pa ito ng paglilinaw kaugnay ng datos sa paggastos ng pamahalaan para sa health care.
Tinanong din niya ang PhilHealth kung ang mga pondong inilaan para sa UHC sa ilalim ng mga special law gaya ng sin tax law ay aktuwal na na-release sa DOH para sa itinakda nitong paggagamitan.
Sinabi naman ni PhilHealth President/CEO Beverly Lorraine Ho na batay sa kanilang mga tala, dapat nilang ma-claim ang P127.55 bilyon mula 2019 hanggang second quarter ng 2026. Idinagdag niya na may tig-P21 bilyong appropriation para sa 2023 at 2024.
“Ano ang gap from all these special laws na naipasa na naka-earmark dapat sa DOH? You understand sa buong GAA ito pinapasok. You are dependent on the DBM kung magkano mabibigay lang para sa UHC,” tanong ni Lacson.
“This is where we can help you. Ito ang oversight namin. Kung di nagko-comply ang DBM kasi covered ng batas, earmarked sa DOH and UHC tapos di binibigay sa inyo, this is where our oversight kicks in,” dagdag niya. (Mylene Alfonso)