Advertisers
INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyak nang mabibigyan ng libreng bigas ang ating mga sundalo.
Sa New Year’s Call sa Malakanyang, binanggit ni PBBM na inaprubahan niya ang pondo para sa rice subsidies ng mga kawal bilang bahagi ng suporta ng kanyang administrasyon sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kasabay nito, ipinagmalaki ng Pangulo na may pondo na rin para sa tertiary health care sa AFP Medical Center kung saan layon nitong matiyak ang mas mataas na antas ng serbisyong medikal at pangkalahatang suporta sa kalusugan ng mga sundalo.
Ang New Year’s Call, na pinangunahan ni Pangulo sa Malakanyang, ay dinaluhan ng mga sundalo ng AFP at opisyal at tauhan ng Department of National Defense (DND).
Sa nasabing pagtitipon, pinagtibay din ng Pangulo ang kanyang pangako sa mga sundalo, kabilang ang kanilang pamilya, sa itinaas na badyet ng DND para sa taong ito.
Dagdag pa ng Presidente, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng buong suporta ng kanyang administrasyon sa Revised AFP Modernization Program at maging sa Pension and Gratuity Fund na layong matiyak ang financial stability para sa mga sundalo at civilian personnel. (Gilbert Perdez)