Advertisers
NATAGPUAN ng Airport Security Screening Officer (SSO) mula sa Office for Transportation Security (OTS) sa Butuan Airport ang isang bag na iniwan ng isang pasahero sa huling security checkpoint ng Butuan Airport, Butuan City, Agusan Del Norte.
Sinabi ng tagapagsalita ng OTS na si Kim Marquez na si SSO Griffel Vien Salum habang nagsasagawa ng routine screening operations nang makita niya ang isang berdeng bag na iniwan ng hindi kilalang papaalis na pasahero pagkatapos ng routine X-ray screening habang kinuha niya ang bag at nakipag-coordinate sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Public Assistance and Complaint Desk sa pamamagitan ng public address system.
Sa loob ng ilang minuto, isang pasahero ang lumapit sa screening officer sa huling security checkpoint at nagpakilalang may-ari ng berdeng bag. Bilang karaniwang pamamaraan, kinumpirma ng SSO kasama ng mga opisyal ng CAAP ang kanyang pagkakakilanlan at tinanong ang laman ng bag na kanyang tinukoy.
Ang pasahero ay patungo sa Cebu City sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight PR 2336 nang mangyari ang insidente.
Ang may-ari ng bag ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa pagbabalik ng kanyang mga gamit na naglalaman ng puting sobre na may humigit-kumulang 4,000 US dollars na aabot sa halagang P223,000 pesos, assorted jewelries at sa agarang tulong na ibinigay ng SSO Salaum at ng kanyang team.
Sinabi ni OTS Officer-in-Charge Assistant Secretary Jose Briones Jr. na ang napapanahon at responsableng pagbabalik ng mga naiwang bagay sa nararapat na may-ari nito ay nagpapalakas ng integridad ng team at ng organisasyon.
“Ipinapakita lang po dito ng aming mga personnel ‘yung aming itinuturo sa kanila during training, at yung values ??formation na dapat i-maintain, ito ‘yung katapatan nila at sincerity to serve and assist passengers. “ani Briones. (JOJO SADIWA)