Advertisers
SINIBAK na sa serbisyo ni PNP Region 4A Director, Brig. General Paul Kenneth Lucas, si Major Allan de Castro ng PNP Batangas Provincial Police Office, ang pangunahing suspek sa pagkawala ng guro at beauty queen na si Catherine Camilon ng Tuy, Batangas last year.
Si De Castro, kasal sa kanyang asawa, ay sinasabing karelasyon si Camilon. At siya umano ang katatagpuin ng dalaga nang mawala ito Oktubre 12, 2023 sa Lemery, Batangas.
May lumabas na saksi na may nakita silang babaeng duguan na inilabas ng isang sasakyan at inilipat sa SUV. Tinutukan pa raw siya ng baril ng lalaking naglilipat ng katawan ng babae.
Ang SUV ay natagpuan ng pulisya na inabandona sa isang lugar sa Batangas. At sa nakuhang samples ng buhok at blood stain sa sasakyan, tugma ito sa DNA ng mga magulang ni Catherine.
Samantalang si De Castro ay tumanggi magpa-DNA test. Hindi rin ito sumisipot sa mga pagdinig, matapos kasuhan ng administrative, kidnapping at serious illegal detention ng Philippine National Police.
Hindi parin nagsasalita ang kamakailan ay sumuko niyang (De Castro) driver na si Jeffrey Magpantay.
Si Magpantay ay kinilala ng saksi na siyang tumutok sa kanila ng baril nang makita nila ang paglipat nito ng katawan ng isang babae sa ibang sasakyan. Nasa kostudya siya ngayon ng PNP
Sa ‘di pagsipot sa mga pagdinig at ‘di pakikipag-coordinate sa mga imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na ‘guilty’ sa kaso si De Castro. Tama lang na sibakin siya sa serbisyo at makulong habambuhay.
Sinayang lang ni De Castro ang kanyang career dahil sa kapusukan.
Sa mga imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nakikipag-hiwalay na si Camilon kay De Castro. At isa raw sa mga ginawa na hakbang ni Camilon ay tinawagan ang misis ni De Castro at sinabing may babae ito. Araguy!!!
Talagang ang sobrang pag-ibig ay nakasisira at nakamamatay. Mismo!
***
Sinuspinde ng pamunuan ng PNP ang anim na pulis ng Maynila na nagmukhang ewan sa pagresponde sa isang jeepney robbery sa Sta. Mesa, Manila noong Linggo (Enero 18, 2024).
Ang naturang insidente ay nakuhanan ng video at nag-viral sa social media. Mapapanood sa video ang anim na pulis na ang ilan ay may dalang shields at baton. Pinaligiran nila ang jeepney na ibinalandra ng driver sa gitna ng kalye malapit sa prisinto sa Sta. Mesa. Ang isang pulis na nakapuwesto sa gilid ng jeepney ay sinundot ng shield ang nag-iisang holdaper na armado lamang ng patalim sa loob ng sasakyan, habang ang katabi naman nitong pulis ay pinapalo ang holdaper, at ang isa pang pulis ay nag-aabang habang nakahandang bumunot ng baril sa hulihang pinto ng sasakyan. Ilang saglit pa mabilis na lumabas ang holdaper, hindi manlang naharang ng shield o baton ng pulis. Nagkaroon ng habulan hanggang sa mabaril sa binti ang holdaper nang tangkain daw nito sasakin ang pulis. Nag-viral ang video na umani ng mga brutak na batikos laban sa pulis. Para raw walang training ang naturang mga pulis.
Sabi ng PNP, maraming nilabag na police operational procedures sa pagresponde ang anim na pulis. Kaya suspindedo ang mga ito at malamang na ibalik sa training school. Tama lang!