Advertisers
NAGBABALA si dating Presidente Rodrigo Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na posibleng mapatalsik ito sa Palasyo habang nasa kanyang termino tulad ng nangyari sa kanyang ama dahil sa pandaraya sa isinusulong na people’s initiative para maisakatuparan ang charter change.
Nanawagan din si Duterte sa military at police na protektahan ang constitution.
Binatikos niya ang pangangalap ng pirma para sa people’s initiative para mailatag ang pag-amyenda sa konstitusyon, sinabing ang mga tao ay binayaran lamang para pumirma sa dokumento.
Ang talagang layunin, aniya, ng people’s initiative ay para manatili ang nasa puwesto.
Posible aniyang maging rason ito para mapatalsik si Marcos tulad ng kanyang yumaong diktador na ama, Ferdinand Marcos Sr., na napalayas noong 1986 sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution.
“Pag pinilit mo ito, lalabas ka ng Malacañang kagaya noong panahon na pinalayas kayo,” ani Duterte sa kanilang anti-charter change rally sa Davao City Linggo ng gabi, Enero 28, 2024.
Ayon kay Duterte, ang plano ay ipasok ang parliamentary system ng gobyerno dahil ang pinsan ni Marcos na si House Speaker Martin Romualdez ay gusto maging Prime Minister ng Pilipinas.
Pero nanawagan siya kay Marcos na kalimutan na ito, dahil magagalit lang ang mga tao, kabilang na ang military.
Hinikayat din niya ang military at Philippine National Police na protektahan ang konstitusyon.
“I am calling now the Armed Forces and the PNP, protect the constitution. Trabaho ninyo yan, huwag niyo kalimutan,” diin ni Duterte.
Sinabi niyang dapat silang mag-alala sa milyon milyong Filipino, at dapat gumawa ng dapat gawin kapag may nakitang mali na ginagawa.
“Alam ninyo, kung hindi na talaga ito mapigilian, andyan ang military pati pulis, makinig kayo. Pag-aralan ninyo kung ano yang pinapakain nila sa taong bayan, at pagka-nakita ninyo kung ano ang mali, you correct it. Nasa inyong kamay na yan,” dagdag ni Duterte.
Ang military lang aniya ang makakapigil sa sitwasyon mula sa pagkakalat tungo sa kaguluhan, sabi ng dating panguo.
“Ngayon kung nakikinig kayong military, gusto niyong iwasan ang dugo, kayo lang ang makapigil nito. Putang-ina, pigilan mo ‘yang kalokohan na ‘yan, kapag hindi, itong rally na ito, it will multiply all over the Philippines and there will be trouble.”
Tinuligsa ni Duterte ang pagpalit ng gobyerno tungo sa parliamentary, kungsaan ang lider ng bansa ay pinipili ng parliamentarians, hindi direkta ng mamamayan.
Wala aniya siyang tiwala sa mga miyembro ng Kongreso, na nabibili.
“Putang-ina ninyo, wala akong tiwala sa inyo. Wala kayong prinsipyo, mukhang pera kayong lahat, iyan ang totoo,” ngitngit ni Duterte.
Gusto aniyang arestuhin ng military ang mga mambabatas sa pag-aksaya sa “people’s money.”
“Mabuti sana kung bright kayo, eh kung drug addict ka lang naman tapos may asawa kang hungry for power, tapos may isa itong taga Leyte, gusto siyang mag-prime minister,” patama niya kay Pangulong Marcos, First Lady Liza at Speaker Romualdez.
Si Romualdez ay inakusahang nasa likod ng people’s initiative para sa charter change, pero itinanggi niyang inatasan niya ang mga miyembro ng House para mangalap ng mga pirma para rito.