Advertisers
Nababahala ang isang youth advocacy group sa patuloy na problema ng suplay ng kuryente sa mga probinsya na nakakaapekto ng malaki sa mga konsyumer.
Sa launching ng ILAW nitong Miyerkules, Enero 31 sa Raha Sulaiman sa Maynila, sinabi ni Francine Pradez, youth lead convenor ng ILAW na hindi na nabigyan pansin ang lumalalang problema sa enerhiya sa mga lalawigan.
Ayon sa kanya, dahil sa patuloy na problema ng enerhiya ay bilyon din ang nawawala sa ekonomiya sa isang araw dahil sa malawakang brownout.
Isang halimbawa aniya, ang nangyaring brownout nitong pagpasok ng Bagong Taon sa Western Visayas partikular sa lalawigan ng Panay kung saan nasa 4.5 milyong mamamayan ang naperwisyo.
Nagkaroon rin kamakailan ang apat na araw na blackout sa Iloilo na nagresulta sa P3.7 bilyong pagkawala sa ekonomiya, habang patuloy na umaaray ang mga residente ng Palawan sa mataas na singil sa kuryente na aakyat umano ngayong taon sa P17 kada kilowatt hour.
Kumpiyansa si Pradez na sa pamamagitan ng pagtatatag ng bagong advocacy group na nakatuon sa pagpapalakas sa enerhiya, na malaki ang magagawa ng sama-samang pagkilos ng mga mamamayan partikular ang mga konsyumer upang malutas ang lumalalang suliranin ng bansa sa pagkawala ng kuryente o malawakang brownout.
Sinabi ni Pradez na nais nilang maipaabot sa mga kinauukulan ang mga problema sa kakulangan ng suplay ng kuryente na lubos na nakakaapekto sa kabuhayan at pagkalugi ng mga negosyo na humahantong pa sa pagsasara.
Ilan pa sa mga lalawigan ang binanggit ng grupo na nakararanas ng madalas na brownout kabilang ang lalawigan ng Batangas, Basilan,Davao del Norte at Cebu na pawang mga tourist destination .
Bagama’t mga kabataan aniya ang nakatuon para maresolba ang problema sa enerhiya, binigyan diin ni Pradez na ang Kabataan ang magmamana ng suliranin sa hinaharap kaya mahalagang magkaroon ng tinig ang mag konsyumer sa kritikal na isyu na may kinalaman sa elektrisidad .
Kasalukuyang bumubuo ng mga lokal na chapter sa mga probinsya ang ILAW, nagkakaroon ng mobilisasyon at nag-iipon ng mga testimonya sa mga mamamayan na lubhang apektado ng krisis sa enerhiya para maiparating nila sa pamahalaan.
Nais ng grupo na maisulong ang abot-kaya at abot-kamay na suplay ng kuryente katuwang ang ilang kinatawan ng iba’t-ibang sektor at local government units para ipabatid ang epekto ng patuloy na kakulangan ng suplay ng kuryente sa kanilang komunidad.(Jocelyn Domenden)