Advertisers
UMALMA ang pamilya ng isa sa apat na lalaking inaresto sa kasong ‘arson’ sa Quezon.
Giit nila, mali ang inaresto ng mga pulis.
Makikipiyesta lang umano ang apat na magkakaibigan sa Mulanay, Quezon nang arestuhin ng mga pulis.
Kabilang sa mga inaresto ang award-winning director na si Jade Castro, dalawang civil engineers, at isang business manager.
Pero ayon sa PNP, positibo silang itinuro ng tsuper, konduktor, at dalawang pasahero na nanunog ng isang modernized jeep na pag-aari ng Gumaca Transport Service Cooperative sa Barangay Dahican, Catanauan, Quezon noong Miyerkules.
Pero hindi parin matukoy ng pulisya ang motibo sa pagsunog.
“Subject for investigation ng concerned police station at bakit sila ang tinuturo… On-going pa po para ma-establish natin para malaman ang motive. ‘Yun magpapatibay sa inihahandang kaso,” sinabi ni Col. Ledon Monte Provincial Director ng Quezon PNP.
Una nang iginiit ni Castro sa kanyang social media account, bago bawiin ang kanyang cellphone, na wala silang kinalaman sa krimen at nasa iba silang bayan nang nangyari ito.
“Inosente kami! nagbabakasyon lang kaming magkakaibigan sa Mulanay, Quezon pero inaresto kami sa krimen na nangyari sa Catanauan,” sinabi niya sa X (dating Twitter).
Pinuna naman ng kapatid ng isa sa mga suspek ang kanilang pag-aresto pati narin ang sinabi ng mga testigo na naka-bonnet at armado ang mga nanunog ng jeep.
“Pinaupo sila, lumabas mga witness nasa sasakyan tapos may nagturo sa kanila. Walang idea ‘yung apat, what’s going on. The witness said naka-bonnet ‘yung apat, paano matuturo ‘yun,” sinabi nito.
Walang nakuhang baril sa 4 nang damputin ang mga ito sa resort.
Ayon sa Gumaca Transport Service Cooperative, mga kalaban nilang colorum jeepney operators at driver ang binibintangan ng mga itong may kagagawan sa pagsunog.
Matagal na silang binabantaan ng mga ito mula nang sumali sila sa franchise consolidation na bahagi ng PUV modernization ng pamahalaan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari.