Advertisers
Kinasuhan ng Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property at Anti-Drunk Driving Law ang pulis na drayber ng Police Mobile Patrol Car na nasangkot sa aksidente nang sagasahan nito ang isang lolang nasa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Brgy. Catayauan, sa Lal-lo, Cagayan.
Kinilalang si PCpl. Algen Doblado, 29-taong gulang, miyembro ng Aparri Police Statio at residente ng San Antonio Aparri, Cagayan.
Nadamay at nasawi sa nangyaring aksidente ang isang lola na si Josefa Julian, 67-anyos na noo’y nasa gilid ng kalsada.
Bukod sa police mobile patrol car, nadamay din sa aksidente ang isang L300 van, isang Isuzu Closed van, at isang Mitsubishi Montero.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, bumabaybay sa kalsada ang L300 Van patungo sa South direksyon habang ang Closed van at Montero ay parehong nakaparada sa kalsada samantalang ang sasakyan ng pulis ay patungo sa kasalungat na direksyon.
Habang bumabaybay ang dalawang sasakyan, nag-overtake umano sa sinusundang sasakyan ang sasakyan ng pulis subalit hindi umano mapagbigyan ng kasalubong na L300 van dahil mayroong ding nakaparadang sasakyan sa linya nito na aksidente rin nitong nabangga.
Dito ay aksidente ring nabangga ng police mobil patrol car ang nakaparadang Montero na siya namang bumangga sa biktima.
Nagtamo ng pinsala sa katawan ang drayber ng mobile patrol car maging ang pasahero nito na isa ring pulis at dinala sa pagamutan.
Napag-alaman na galing ang dalawang pulis sa isang inuman habang sila ay naka-duty.
Labis na nakakatakot ang mga mobile patrol car ng pulisya sa ilang mga motorista kapag sila umano nasa lansangan ay tila mga hari sa daan dahil silay mga pulis.
Samantala, tikom ang bibig ni PMaj. Ignacio Dijun Dinulong, hepe ng Aparri Police Station sa pagkakasangkot ng kanyang kapulisan na maging siya umano mahilig sa inuman.(Rey Velasco)