Advertisers
NASAWI ang apat katao at isa ang sugatan sa sunog sa limang kabahayan sa Tanza, Cavite nitong Martes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Teresita, 68 anyos; Anthony, 39; Gerrone Owen, 12; at Gemille Anthea, 5, na pawang Domingo ang apelyido.
Nagtamo naman ng sunog sa katawan si Jeni Domingo, at dinala sa Tanza Specialist Hospital.
Hindi idinetalye sa ulat kung ano ang relasyon ng mga biktima sa isa’t isa.
Sinabi ng Tanza Fire Station, sa ulat ng Police Region 4A, sumiklab ang sunog ng 11:54 ng gabi ng Lunes, sa isang residential area sa Barangay Biwas, at naapula 2:39 ng madaling araw kinabukasan.
Sinabi ng fire investigators na nagsimula ang pagliyab sa ikalawang palapag ng tahanan ng mga Domingo.
Ayon sa mga imbestigador, nakulong ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan sanhi upang kasamang lamunin ng apoy.
Tinatayang aabot sa P9 milyon ang pinsalang dulot ng sunog.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang mitsa ng sunog.