Advertisers
NAKALAP ni Senador Robin Padilla ang suporta ng apat na senador na miyembro ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay sa pagharang sa pagpapalabas ng Senado ng contempt order laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Sa press conference, sinabi ni Padilla na nilagdaan nina Senators Cynthia Villar, Imee Marcos, Bong Go, at JV Ejercito ang isang written manifestation na tumututol sa pag-aresto ng Senado kay Quiboloy.
Dahil dito, nakakuha si Padilla ng lima sa walong pirma na kailangan para harangin ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa pinuno ng KOJC.
Nabatid na may limang araw na lamang si Padilla para mabuo ang walong pirma hanggang Marso 12.
Mayroong 14 miyembro ang nabanggit na komite ng Senado.
Ibinunyag din ni Padilla na nakausap niya sina Senators Grace Poe at Raffy Tulfo na ipinaliwanag ang kanilang desisyon na huwag suportahan ang kanyang hakbang na harangin ang pag-aresto kay Quiboloy.
Samantala, wala pang stand sa naturang isyu sina Senators Nancy Binay, Pia Cayetano, Mark Villar, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Majority Leader Joel Villanueva.
Samantala, binawi naman ni Ejercito ang kanyang pirma matapos na ibunyag ni Padilla ang mga lumagda sa nasabing written manifestation.
“After thoughtful contemplation, I would like to respectfully inform you of my intention to withdraw my signature affixed in the document objecting against the contempt order directed towards [KOJC] Pastor Apollo Quiboloy,” pahayag ni Ejercito sa kanyang liham na ipinadala kay Padilla. (Mylene Alfonso)