Advertisers
LUMITAW sa autopsy na ‘suffocation’ ang dahilan ng pagkasawi ng dalawang bata na natagpuan sa loob ng isang sasakyan sa Angeles City, Pampanga.
Sa kabila nito, tumanggi ang pamilya ng mga biktima na tanggapin ang resulta ng autopsy.
“’Yung anak ko, ‘yung dugo niya sa kamay, sa damit tapos maraming pasa,” sinabi ng ina ng isa sa mga bata na si Steffany Villegas.
Itinanggi rin ng pamilya ng dalawang bata na sina Darrel at Marvin ang akusasyon na nagpabaya sila sa kanilang mga anak.
Plano ng pamilya ng humingi ng tulong sa Commission on Human Rights (CHR) para busisiin ang insidente, kasabay ng paghiling ng isa pang autopsy at paghingi ng kopya ng full CCTV footage ng insidente.
Samantala, napag-alaman sa imbestigasyon na ang sasakyan kungsaan natagpuang walang buhay ang dalawang bata ay pagmamay-ari ng residenteng si Fermhan Pamintuan na ginagamit para sa ride-hailing app.
Itinanggi niya ang akusasyon na sangkot siya sa pagkamatay ng dalawang bata.
“Nanghihingi po ako ng sorry, ng dispensa. Hindi ko po kayang gawin na pumatay ang isang tao din. Kung ano po kapupuntahan ng nangyaring to, haharap po ako,” ani Pamintuan.
“Wala naman pong may kagustuhan na mangyari ‘yung ganon. Saka sa ibang mga magulang, linangin po nila ‘yung mga anak nila,” dagdag ng kanyang ama na si Norman.
Noong Biyernes, natagpuan ang mga katawan ng magpinsan biktima sa loob ng sasakyan sa Barangay Malabanias, Angeles.
Sa CCTV footage, nakita na naglalaro pa sa paligid ng sasakyan ang dalawang bata 7:00 ng umaga at saka lumipat sa kanang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa pulisya, posibleng pumasok sa sasakyan ang dalawang bata.
Nadiskubre na lamang ang katawan ng mga biktima nang hanapin sila ng kanilang mga magulang apat na oras ang nakalipas.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pagkasawi ng dalawang bata.