Advertisers
INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng Italian national na wanted ng mga awtoridad sa Rome sa rape at sexual assault ng menor de edad may 12 taon na ang nakakaraan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang puganteng si Stefano Todeschini, 57-anyos na naaresto sa Lahug, Cebu City noong April 5 ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU)chief Rendel Ryan Sy.
Ayon pa kay Tansingco, si Todeschini ay naaresto sa bisa ng mission order na kanyang inilabas base na rin sa kahilingan ng Italian embassy sa Maynila na hinihiling ang deportation ng pugante upang humarap sa paglilitis ng kanyang kaso.
Sinabi ng hepe ng BI na ang Italian ay pinaghahanap na rin ng Interpol at may red notice na. Ito ay dahil sa arrest warrant na ipinalabas laban dito ng prosecutor’s office sa isang korte sa Vicenza, Italy.
SI Todeschini ay nasasakdal sa nasabing korte sa kasong rape at sexual assault ng menor de edad na isang paglabag sa Italian penal code.
Sinasabi ng taga-usig na ilang ulit na minolestya ni Todeschini ang isang 10-taong gulang na batang babae.
Siya ay isa ring undocumented alien dahil ang kanyang Italian passport ay paso na noon pang May 2017.
Pinuri ni Tansingco ang pagkakaaresto sa nasabing pugante, at sinabing naibigay na rin ang hustisya sa batang babae na biktima nito sa pagkakahuli ng dayuhan.
“This should serve as another warning to foreign criminals that the long arm of the law will catch them wherever they might hide,” dagdag pa ni Tansingco.
Nakapiit ngayon si Todeschini sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation nito. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)