Advertisers
Pinuri ang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa paglilinis at pagpapanumbalik ng Estero de Maypajo sa 4th Gawad Taga-Ilog: Search for the Most Improved Estero of the Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region (DENR- NCR).
Kinilala ang Caloocan City bilang Kampeon sa Informal Settler Families and Illegal Structure Management para sa mga programa nito na naglalayong panatilihing malaya ang nasabing estero sa mga basura at iba pang sagabal, habang binibigyan din ng importansya ang maayos na relokasyon ng mga informal settlers na nakatira sa paligid ng lugar.
Pinuri ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang City Environmental Management Department (CEMD) at ang Housing and Resettlement Office (HARO) para sa kanilang pinagsama-samang performance na humantong sa malawakang pagpapabuti ng Estero de Maypajo.
“Congratulations po sa CEMD at sa HARO! Asahan niyo pong walang patid nating titiyakin na namumuhay nang maayos at ligtas ang ating mga kababayan at nabibigyan sila nang pagkakataon na magkaroon ng marangal na tirahan, kasabay ng pagtiyak natin na malinis ang kapaligiran ng buong lungsod,” wika ni Mayor Along.
Kinilala rin ng Alkalde ng Lungsod ang pagkakaugnay sa pagitan ng mga programang ipinatupad ng pamahalaang lungsod, at tiniyak sa kanyang mga nasasakupan na patuloy na uunahin ng kanyang administrasyon ang mga holistic at pangmatagalang solusyon sa mga umiiral na isyu.
“Kung malinis at hindi barado ang mga estero at kanal, maayos at malinis din itong dadaloy sa ibang lugar at maiiwasan din ang mabilisang pagbaha. Kaya po kung maalala niyo, kinilala rin ang ating lungsod dahil sa pagtulong nating pangalagaan ang Manila Bay, at sa pagkakaroon ng mahusay na emergency response,” pahayag ni Mayor Along.
“Kapag nagpatupad po tayo ng mga programa, hindi na po sapat na iisang problema lang ang kayang solusyon. Prayoridad ko po at ng pamahalaang lungsod na konektado ang ating mga proyekto at programa sa isa’t-isa upang mabilis ding maramdaman ng mga Batang Kankaloo ang mga epekto ng mga ito,” dagdag ni Malapitan.(BR)