Advertisers
NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iimbestigahan ang umano’y wiretapping o paniniktik ng isang bansa sa isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang pahayag ay ginawa ni PBBM sa sidelines ng paglagda ng alyansa sa pagitan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Nationalist People’s Coalition (NPC) sa Makati City matapos tanungin ng media kung may direktiba siya hinggil sa wiretapping na sinasabing kagagawan ng China.
Sinabi ng Pangulo na masyado pang maaga para magbigay ng anumang konklusyon hanggang sa marinig niya mismo ang nilalaman ng sinasabing tape ng wiretapping.
Nang tanungin kung nagbigay siya ng direktiba sa mga ahensya ng gobyerno na maging mas maingat tungkol dito, sinabi ng punong ehekutibo na ‘wala pang direktiba na ganoon’ ngunit binigyang-diin ang umiiral na patakaran tungkol sa isyu.
Aniya, nagtutulungan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Science and Technology (DOST) upang gawing mas matatag at ligtas ang cybersecurity ng bansa.
Isiniwalat din ni Pangulong Marcos na plano nitong kumuha ng ilang eksperto upang magtrabaho para sa mga ahensya ng gobyerno bilang mga ‘free agents’ na ang tungkulin ay palakasin ang cybersecurity ng bansa.
Itinuturing din niya ang mga Pilipino bilang pinakamahuhusay na tao sa usapin ng cybersecurity. (Gilbert Perdez)