IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang mas malawak na saklaw para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng pagsasama ng mga buntis at nagpapasusong kababaihan upang matiyak ang kalusugan ng mga bata sa kanilang unang 1,000 araw.
Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at iba pang kinauukulang ahensya sa Palasyo ng Malakanyang upang maglahad ng kani-kanilang pag-aaral at rekomendasyon sa reporma sa 4Ps cash grants.
Matatandaang sa isang sektoral na pulong noong Pebrero sa iminungkahing Reporma sa 4Ps, iminungkahi ng DSWD na taasan ang halaga ng 4Ps grant at magbigay ng cash grant sa Unang 1,000 Araw (F1KD) ng mga bata.
Ang mga pagsasaayos ay magtataas ng kapangyarihan sa pagbili ng mga benepisyaryo ng 4Ps at magbibigay ng insentibo para sa kanila na mapabuti ang pagsunod sa mga kondisyon ng programa na makaiwas sa malnutrisyon at pagkabansot.
Matapos ay inatasan ng Pangulo ang DSWD at ang NEDA na buuin ang mga huling numero at ipasa ang mga ito sa kanya upang magawa ang mga kinakailangang pagsasaayos, dahil binibigyang-diin niya ang kahalagahan ng karagdagang suporta.
Sa ilalim ng kasalukuyang programa, ang 4Ps beneficiary-family ay tumatanggap ng daycare at elementary grant na P300 bawat bata kada buwan sa loob ng 10 buwan; P500 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa junior high school at P700 kada bata bawat buwan sa loob ng 10 buwan para sa senior high school.
P750 kada buwan naman ang tinatanggap ng bawat household sa loob ng isang taon para sa growth development at monitoring ng mga batang nasa edad 2-14 years old.
Nauna nang iniutos ng Pangulo ang pag-aaral sa mga pagsasaayos sa 4Ps cash grants upang matugunan ang mga kakulangan sa kalusugan sa sistema at matulungan ang mga benepisyaryo na makasabay sa inflation. (Vanz Fernandez)